Handa ang majority bloc ng Senado sa anumang posibleng “dirty tricks” o panggugulo ni Senador Alan Peter Cayetano sa sandaling magsimula ang nakalapit na special session, ayon kay Senador Panfilo Lacson nitong Linggo.
Kasabay nito, binuweltahan ni Lacson si Cayetano at inakusahan itong “kayang gawin ang lahat para lamang mapanatili ang kanyang kapangyarihan.”
“Handa ang mga miyembro ng majority bloc sa mga contingency plan sakaling gumawa siya ng eksena. May mga hakbang na kaming napag-usapan na hindi ko pa pwedeng isapubliko sa ngayon,” pahayag ni Lacson sa isang panayam sa radyo na inilabas ng kanyang tanggapan.
“Binigyang-diin ko sa majority bloc na huwag siyang (Cayetano) maliitin dahil kaya niya ang mga maruruming taktika. Wala siyang pakialam sa institusyon; ang sarili lang niya ang kanyang iniisip,” dagdag pa ng senador.
Ayon pa kay Lacson, maging ang mga kaalyado ni Cayetano sa ngayo’y minority bloc ay unti-unti nang nananahimik sa pagsuporta sa kanya habang patuloy nitong ipinaglalaban ang posisyon bilang Senate President.
“Dapat na siyang gumising sa katotohanan. Kahit isigaw pa niyang siya ang Senate President, wala nang sumusunod sa kanya. Maging ang mga kaalyado niya ay nananahimik na, marahil dahil batid nilang tapos na ang laban at walang saysay ang pagpipilit,” ani Lacson.
“Walang permanenteng Senate President, at sa totoo lang, hindi na siya ang Senate President.”
Hinamon din ni Lacson si Cayetano na makipagdebate sa plenary sa halip na mag-ingay sa social media.
BASAHIN: Villanueva, Jinggoy lulundag sa Gatchalian bloc?
“Huwag nang gumawa ng eksena si Cayetano. Dapat makilahok ang lahat ng senador sa special session. Doon siya magdebate sa plenary, hindi sa Facebook,” giit ni Lacson.
Sinubukan namang kunin ng Agila ng Bayan ang panig ng opisina ni Cayetano ngunit wala pang inilalabas na pahayag ang kampo nito hanggang sa oras na isinusulat ang balitang ito.
Muling ipinanawagan ni Lacson ang pagdalo ng lahat ng senador sa special session upang maresolba ang mahahalagang panukala at mga usapin sa Commission on Appointments (CA) na naantala dahil sa boykot na pinangunahan ng kampo ni Cayetano noong Hunyo 1 hanggang 3.
Pinuri naman ni Lacson si Senador Joel Villanueva na nagpahayag ng intensyong dumalo sa sesyon sa kabila ng pagiging kaalyado nito sa paksyon ni Cayetano.
Umaasa si Lacson na tularan din ng iba pang senador ang naging pasya ni Villanueva.
Sa ngayon, wala pang opisyal na petsa kung kailan ipatatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang special session na inaasahang magwawakas din sa sigalot sa liderato ng Senado.
