Timbog sa kamay ng mga nagpapatrolyang pulis ang limang miyembro ng isang kilabot na commuter syndicate matapos nilang biktimahin ang isang lady security guard sa loob ng isang UV Express, madaling-araw noong Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Naganap ang mabilisang operasyon ng Eastern Police District (EPD) sa southbound lane ng C-5 Road, tapat ng SM Hypermarket sa Barangay Ugong, Pasig City.
Bukod sa nakuhang nakaw na cellphone, nakasamsam din ang mga awtoridad ng isang paltik na baril, mga bala, at bulto ng iligal na droga.
Ayon sa imbestigasyon, sumakay ang biktimang si alyas “Gina,” 40-anyos na guwardiya at residente ng Marikina, sa isang UV Express mula Ortigas Extension sa Brgy. Rosario, Pasig patungong Ayala, Makati. Dito rin sumakay ang limang suspek na nagpanggap na mga ordinaryong pasahero.
Sina alyas “Marbert” at “Amado” ay sadyang tumabi sa biktima kung saan patuloy nila itong sinisiksik, iniipit, at binubunggo sa upuan. Habang abala ang dalawa, ang mga kasamahan naman nilang sina alyas “Jonas,” “Ronny,” at “Marvin” na nasa harap ni Gina ay nag-iingay at nagbibiruan para tuluyang malingat ang biktima.
Habang ginugulo, lihim nilang binuksan ang backpack ng biktima at ninakaw ang kanyang OPPO F5 smartphone na nagkakahalaga ng P18,000.
BASAHIN: P665K halaga ng shabu nasamsam sa Caloocan, 3 tulak nalambat
Nang mapansin ng biktima na wala na ang kanyang cellphone sa tapat ng C-5 intersection, hinarap niya ang grupo ngunit pabalang siyang sinigawan ng mga ito ng, “Bakit mo kami pinagbibintangan?”
Agad na bumaba ng van ang limang suspek at sumakay sa isang dumaraang Metrolink bus para tumakas.
Hindi naman natinag ang biktima na sinundan sila at agad na humingi ng saklolo sa mga nagpapatrolyang tauhan ng EPD.
Sinalubong ng mga pulis ang bus, hinarang ang mga suspek, at doon ay positibo silang itinuro ni Gina.
Nang kapkapan ang mga suspek, nakuha kay alyas “Amado” ang ninakaw na cellphone. Gayunman, nang mas malalim na siyasatin ang kanilang mga gamit, tumambad din ang isang improvised handgun (paltik) na may isang live round ng 9mm caliber bullet.
Bukod dito, nakumpiska rin sa grupo ang humigit-kumulang 10.3 gramo ng shabu na may kabuuang halaga na P70,040.00.
Kabilang dito ang tig-5 gramong sachet ng shabu (nagkakahalaga ng tig-P34,000) na nakuha kina alyas “Amado” at “Marbert.”
Tig-0.1 gramong sachet (nagkakahalaga ng tig-₱680) na nakuha naman kina alyas “Jonas,” “Ronny,” at “Marvin.”
“Hindi natin papayagan ang mga sindikatong ito na gawing hunting ground ang mga pampublikong sasakyan,” pahayag ni PBGEN Melecio M. Buslig, Jr., EPD Acting District Director. “Ito ay babala sa mga kriminal sa Metro East: gagamitin ng EPD ang buong pwersa ng batas para kayo ay tugisin.”
Ang limang suspek, na pawang mga walang trabaho at residente ng iba’t ibang lugar sa Pasig, Taguig, at Marikina, ay dinala muna sa Pasig City General Hospital para sa medical clearance bago tuluyang ipinasok sa piitan.
Kasalukuyan nang inihahanda ng Pasig City Prosecutors Office ang mga kasong Conspiracy to Commit Theft at paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa lima, habang may karagdagang kaso naman ng paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) laban kay alyas “Amado.”
