Kalaboso ang bagsak ng isang 58-anyos na opisyal ng National Police Commission (NAPOLCOM) matapos nitong manutok ng baril at magbanta sa isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver kasunod ng kanilang banggaan sa EDSA-Ortigas Avenue, Brgy. Ugong Norte, kagabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Randy Glenn Silvio ang suspek na si Jaime Hermogenes Jularbal Flores, Jr. (na una nang tinawag sa alyas na “Jaime”), isang Police Inspector III sa ilalim ng Inspection, Monitoring and Investigation Service ng NAPOLCOM at residente ng Project 6, QC.
Ang biktima naman ay isang 42-anyos na TNVS driver na nagmula pa sa Macabebe, Pampanga.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente sa isang minor vehicular collision sa bahagi ng EDSA sa Mandaluyong City. Isang traffic enforcer ng MMDA ang nakakita sa pangyayari at agad na pinatabi ang dalawang sasakyan sa harap ng Robinsons Galleria upang hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.
BASAHIN: Gasoline boy na ‘pumapak’ sa menor de edad na anak, tiklo
Gayunman, nang makarating sa relocation site, uminit ang ulo ng magkabilang panig na humantong sa matinding sagutan. Sa gitna ng pagtatalo, bumunot umano ng baril si Flores, isinukbit ito sandali sa kanyang shorts, at kalaunan ay itinutok sa semento at pinagbantaan ang biktima.
Dahil sa takot, agad na humingi ng saklolo ang TNVS driver sa mga awtoridad. Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Eastwood Police Station 12 sa pamumuno nina PCpl Aloysius Ducay Gano at Pat John Levy Monte de Guzman upang arestuhin ang suspek.
Narekober mula kay Flores ang isang NAPOLCOM-issued 9mm pistol, isang magazine na may labing-limang live ammunitions, mga kaukulang dokumento tulad ng Property Acknowledgment Receipt (PAR) at Letter Order mula sa NAPOLCOM.
Nabatid din sa pagsusuri na umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang opisyal nang mangyari ang insidente. Kasalukuyan nang inihahanda ang kasong Grave Threat laban sa suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Walang sinuman, anuman ang posisyon o kinaaaniban, ang mas mataas sa batas,” paggigiit ni PBGEN Silvio.
Kasunod ng insidente, mariing kinondena ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan ang aksyon ng kanilang empleyado at agad na nag-utos ng isang malalimang administrative investigation.
Humingi rin ng paumanhin ang komisyon sa biktima at tiniyak na hindi nila kukunsintihin ang ganitong asal.
“Hindi katanggap-tanggap ang ganitong asal mula sa isang lingkod-bayan… Ang pagiging kawani ng gobyerno ay hindi lisensya upang manakot, mag-abuso, o gamitin ang posisyon para magpakita ng kapangyarihan. Dahil empleyado namin siya, lalo siyang dapat managot. Walang palalampasin. Walang pagtatakpan. Walang sasantuhin,” pahayag ni Commissioner Calinisan.
Pinuri rin ni Calinisan ang QCPD Station 12 sa mabilis at walang kinikilingang pag-aksyon na nagpatunay umano sa tapat na serbisyo ng kapulisan.
