Matapos ang bawas-singil noong nakaraang buwan, nag-anunsyo ang Manila Electric Company (Meralco) ng pagtaas na P0.1488 kada kilowatt-hour (kWh) sa pangkalahatang itataas ng kuryente ngayong Hunyo 2026.
Dahil dito, ang pangkalahatang singil para sa isang tipikal na sambahayan ay aakyat sa P14.4833 per kWh mula sa P14.3345 per kWh noong Mayo.
Para sa mga residential customers na kumokonsumo ng 200 kWh, ang adjustment na ito ay katumbas ng dagdag na P30 sa kanilang kabuuang bayarin sa kuryente ngayong buwan.
Ang pangunahing nagtulak sa umento ay ang generation charge o singil sa produksyon ng kuryente na umakyat ng P0.2762 kada kWh. Bunsod ito ng manipis na supply sa Luzon grid na nagpataas sa presyo sa WESM patungong P7.0281 kada kWh, lalo pa’t isinailalim sa Red Alert ang grid noong Mayo 13–15 dahil sa taas ng demand at depekto sa mga transmission line. Bukod dito, nagkaroon din ng epekto ang panghihina ng piso laban sa dolyar na umaray sa 54% ng gastos sa mga PSA, kasabay ng pagmahal ng coal at liquefied natural gas (LNG) sa pandaigdigang merkado.
BASAHIN: Meralco, nagpaabot ng saklolo sa mga biktima ng lindol sa Southern Mindanao
Bahagya namang napigilan ang tuluyang pagtataas nito dahil sa pagbaba ng transmission charge ng P0.1525 kada kWh, pati na rin sa patuloy na refund ng Meralco na nagkakahalaga ng P0.4278 kada kWh para sa mga residential customers. Walang pagbabago sa distribution charge ng Meralco mula pa noong Agosto 2022.
Nagpaalala ang Meralco na bukod sa umento sa rate, malaki rin ang magiging epekto sa darating na bill ng mataas na konsumo ng mga tao noong Mayo dahil sa matinding init ng panahon.
“Bagamat may pagtaas sa rate ng kuryente ngayong buwan, ang mataas na konsumo na naitala noong Mayo ay isa ring malaking dahilan kaya maaaring mas mataas ang matatanggap na power bill ng mga customer,” paliwanag ni Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head of Corporate Communications.
Mga Tip sa Pagtitipid at Seguridad:
Regular na linisin ang aircon filters at elisi ng bentilador, magplantsa nang maramihan, huwag masyadong punuin ang ref, at gumamit ng LED bulbs.
Hinikayat ng Meralco na matutong magbasa ng metro upang masubaybayan ang aktwal na nagagamit na enerhiya.
Huwag I-post ang Bill sa Social Media: Nagbabala ang kumpanya laban sa pag-post ng mga electric bill sa internet dahil naglalaman ito ng sensitibong personal na impormasyon na maaaring magdulot ng cybersecurity risks.
