Opisyal nang inanunsyo nitong Huwebes, Hunyo 11, ang pagtatalaga sa batikang litigation lawyer na si Lorna Kapunan kasama ang siyam na iba pang manananggol mula sa mga tanyag na law firm upang magsilbing mga private prosecutor sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ipinakilala ni Batangas 2nd District Rep. Jinky Luistro, ang pinuno ng House prosecution panel, ang sampung abogado na bubuo sa unang batch na aalalay sa mga mambabatas na tatayong piskal sa kaso.
Nagmula ang mga pampribadong abogado sa tatlong malalaking grupo sa larangan ng batas. Kabilang dito ang Kapunan and Castillo Law na binubuo nina Lorna Kapunan, Lino Kapunan, Sonya Castillo, Deanna Lorenzo-Singian, at Bettina Zamora.
Kasama rin sa koponan ang PECABAR Law, na dating kilala bilang Ponce-Enrile-Reyes and Manalastas, sa pangunguna nina Marforth Fua, James Bryan Ibrahim Alih, Erwin Matib, at Justine Lamarca, habang kinakatawan naman ni Amando Ligutan ang grupo ng SaLiGal Law.
Ayon kay Luistro, tinanggap ng mga naturang abogado ang hawak na kaso nang pro bono o walang katumbas na bayad bilang libreng serbisyo.
BASAHIN: HOUSE PANEL, KUMPIYANSANG MAY SAPAT NA EBIDENSYA SA IMPEACHMENT VS. VP SARA
Inamin ng mambabatas na malaking tulong at dagdag-kumpiyansa ito para sa 11 mambabatas-prosecutor, lalo pa’t karamihan sa kanila ay natigil sa aktibong pag-aabogado nang pumasok sa serbisyo publiko.
“Talagang na-boost ang confidence ng 11 prosecutors because of this support. Definitely kailangan po namin ang tulong ng mga private prosecutors because they are the people specialized in litigation,” paliwanag ni Luistro.
Inilabas ang listahan ng mga abogado isang linggo bago ang nakatakdang pre-trial conference sa darating na Hunyo 18. Ang mga private prosecutor ay tututok sa legal research, pagsasaayos ng mga dokumento, paghahanda ng mga saksi, at pagbalangkas ng mga pleading para sa Impeachment Court, sa ilalim pa rin ng direktang superbisyon ng House panel.
Sa usapin naman kung papayagang mag-cross-examine kay VP Duterte ang mga private lawyer, sinabi ni Kapunan na nakadepende ito sa pasya ng House panel, ngunit naniniwala siyang sapat ang galing ng mga pampublikong piskal para gawin ito kung haharap ang bise presidente.
Sa kanilang unang press briefing, nagkakaisa ang mga abogado sa pagsasabing hustisya at pananagutan ang nagtulak sa kanila para hawakan ang kaso.
BASAHIN: RIGODON SA MGA KOMITE SA KAMARA, WALANG KINALAMAN SA BOTOHAN SA VP IMPEACHMENT
“Sa aking 48 taon bilang abogado, ito na marahil ang tinatawag nating payback time. Seryosong isyung legal ang pinag-uusapan dito dahil bumubuo ito sa mga artikulo ng impeachment laban sa isang napakataas na opisyal,” ani Kapunan na kilala sa paghawak ng mga high-profile cases.
Idiniin naman ni Ligutan, na tumatayong counsel din para sa mga naghain ng impeachment complaint, na ang batas ay dapat pantay na ipatupad sa lahat ng tao.
“Ang pagkakaroon ng sikat na apelyido ay hindi dapat maging dahilan para makaligtas ka. Dapat kang managot tulad ng sinumang Pilipino,” giit ni Ligutan.
Nilinaw naman ni Fua, na dating assistant presidential legal counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na purong propesyonal na trabaho ito at walang kinalaman ang Palasyo sa kanilang pagpasok. Sinabi nito na ang Kamara ang humingi ng kanilang tulong at hindi ang Pangulo o sinuman sa Unang Pamilya.
Sinegundahan ito ni Luistro sa paggigiit na ang pagpili sa mga abogado ay sariling desisyon ng House panel at hindi sila tumatanggap ng utos o instruksyon mula sa kahit kanino. Inaasahan din na marami pang mga private prosecutor ang sasali sa koponan sa mga susunod na araw.
