Nanindigan ang House prosecution team na may hawak silang solidong ebidensya na magpapatunay sa mga reklamo laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na magsimula ang paglilitis sa Senado na tatayo bilang isang Impeachment Court.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, ipinahayag ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong na kumpiyansa ang sa mga material na ebidensiyang nakalap.
“We have a solid evidence to back up the articles of impeachment,” ani Adiong.
Partikular niyang tinukoy ang ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds sa loob ng 11 araw, at ang mga ulat mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ukol sa kahina-hinalang yaman na hindi tugma sa kanyang SALN.
Binigyang-diin din ni Adiong na ang impeachment ay hindi usapin ng politika o maagang patutsada sa 2028 elections, kundi pagpapatupad ng Saligang Batas.
“This is about the Constitution. This is about holding impeachable officers to account,” pahayag niya.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang taong-bayan ang tunay na hukom dito, kung saan pinatunayan ng mga huling survey na 70% hanggang 74% ng mga Pilipino ang gustong matuloy ang paglilitis.
“Ang tunay na hukom dito ay ang taong-bayan dahil Konstitusyon nila ang pinag-uusapan.”
Kinuwestiyon naman ng mambabatas ang naging pormal na tugon at hirit na motion for dismissal ng kampo ng Bise Presidente.
BASAHIN: RIGODON SA MGA KOMITE SA KAMARA, WALANG KINALAMAN SA BOTOHAN SA VP IMPEACHMENT
Ayon kay Adiong, bagamat nagdala ng mga kahon ng dokumento ang mga abogado ng depensa sa Senado, ang nilalaman nito ay maituturing na isang “non-answer” o walang direktang sagot sa mga partikular na alegasyon sa Articles of Impeachment.
“The answers are still the same—it’s a non-answer to the articles of impeachment,” giit ni Adiong. “Mabigat man ‘yan, makapal pa man ‘yan… it’s a rehash. It does not matter how big the volume is; it boils down to the issue of what can you say in order to respond to specific allegations.”
Inakusahan niya ang depensa na umaasa lamang sa mga teknikalidad at patuloy na kinuwestiyon ang legalidad ng proseso ng Kamara na nauna nang nirebisa at pinayagan ng Korte Suprema.
Dagdag pa ni Adiong, walang kapangyarihan ang Senado na ibasura na lamang ang kaso nang walang paglilitis. Sa ilalim ng Saligang Batas, oras na tanggapin ng Senado ang hurisdiksyon, obligado silang dinggin ang magkabilang panig at magbaba ng pinal na hatol kung ang Bise Presidente ay mapapawalang-sala (acquit) o mapatutunayang nagkasala (convict).
Nakatakdang magsumite ang House prosecution team ng kanilang pormal na komentaryo o tugon sa sagot ng depensa sa loob ng susunod na limang araw bago magsimula ang pre-trial conference.
