Pumayag ang kampo ng dating world champion na si Johnriel Casimero na ituloy ang 10-round non-title featherweight bout laban kay Luis Nery, ngunit may bitbit na mabigat na kondisyon ang boksingero mula Mexico sa araw ng bakbakan dito.
Nagkasundo ang magkabilang kampo na kailangang sumalang muli sa morning weigh-in si Nery sa mismong araw ng laban at hindi dapat lumampas sa 134 pounds ang kanyang timbang.
Nagawa ang kasunduan matapos mabigo si Nery na makuha ang napagkasunduang catch weight na 124 pounds sa opisyal na weigh-in nitong Biyernes sa Aichi Tokoname, Aichi Sky Expo.
Tumimbang ang Mexican southpaw ng 127.4 pounds—at bigong maibaba ito kahit pinagpawisan pa ng isang oras para matanggal ang sobrang timbang.
BASAHIN: Knicks binalahura ang NBA Finals debut ni Wembanyama; Spurs nabaon sa Game 1
Kabaligtaran naman ito kay Casimero, 37-anyos at three-time world champion, na pumasok nang swak na swak sa timbang na 123.4 pounds.
Maliban sa karagdagang weigh-in, lalong minalas si Nery matapos ianunsyo ng Japan Boxing Commission (JBC) na papatawan siya ng anim na buwang suspensyon pagkatapos ng laban nila ni Casimero dahil pa rin sa pagsablay sa timbang.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na parurusahan ng JBC ang Mexican fighter. Matatandaang pinatawan na siya ng indefinite suspension noong 2018 matapos ding mag-overweight sa kanilang rematch ni Shinsuke Yamanaka para sa WBC bantamweight crown. Bagaman binaligtad ang habambuhay na ban na ito para magbigay-daan sa unification title fight niya laban sa Japanese superstar na si Naoya Inoue, muli na namang sumakit ang ulo ng JBC sa pasaway na boksingero.
Inaasahang magiging madugo pa rin ang tapatan ng dalawang knockout artist. Si Nery, 31, ay may bitbit na 37-2 kartada kasama ang 28 KOs, habang si Casimero naman ay may tangan na 35-5 baraha na may 24 KOs.
