Sa gitna ng kaguluhan at political deadlock sa Senado, pormal nang inilunsad ng Akbayan, Magdalo, at mga kaalyadong grupo ang kampanyang “Risa Na” nitong Biyernes, Hunyo 5, upang isulong ang kandidatura ni Senadora Risa Hontiveros para sa pagkapangulo sa 2028 halalan.
Ginanap ang paglulunsad sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman, kung saan iprinisinta si Hontiveros bilang alternatibo sa mga tradisyunal na politikong kasalukuyang nangingibabaw sa pamahalaan.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David, matagal na nilang pinaghahandaan ang pagkakataong ito upang maghalal ng isang progresibong pinuno na may integridad.
“Masyado nang matindi ang sakit ng loob natin sa mga naihahalal na politiko,” ani David. “Karapat-dapat tayo sa mas mahusay. At ipaglalaban natin ang isang mas mahusay.”
Matatandaang matapos ang sunod-sunod na pagkatalo noong 2019 at 2022, nakabawi ang Akbayan noong 2025 party-list race kung saan nakuha nila ang upuan nina Chel Diokno, Percival Cendaña, at Haima Kiram Ismula.
Kasabay nito ang pagkakapanalo ng mga kaalyadong sina Senador Francis Pangilinan at Bam Aquino, na nagsilbing malaking tulong kay Hontiveros na naging tanging pusta ng oposisyon sa Senado noong 2022.
BASAHIN: ‘HUWAG PA-BUDOL SA FAKE NEWS’ – SEN. RISA HONTIVEROS
Ipinagmalaki ng mga supporter ang track record ng senadora, na kilala bilang unang socialist woman senator ng bansa, partikular ang kanyang mga adbokasya para sa mga manggagawa, kababaihan, LGBTQIA+ community, at ang pangunguna sa imbestigasyon laban sa mga ilegal na offshore gaming operations (POGO).
“Consistent si Senadora Risa sa pagsama sa pakikibaka ng mga manggagawa,” pahayag ni Jessica de Ocampo mula sa labor union ng Philip Morris Fortune Tobacco Corporation. “Bihira ang opisyal na may karanasan sa lansangan kumpara sa iba na nagsimula sa pelikula kaya mas magaling gumawa ng drama.”
Bagamat aminado ang mga supporter na hindi madali ang laban, naniniwala si dating senador Antonio Trillanes IV na may malaking tsansa si Hontiveros sa susunod na dalawang taon kung mag-uumpisa ang kampanya ngayon.
“Hindi tayo sumusuntok sa buwan,” ani Trillanes sa isang video message, habang ibinahagi na batay sa internal surveys ng Magdalo noong Enero at Abril ay pataas ang trajectory ng senadora.
Sa pinakahuling Pulse Asia survey para sa unang kapat ng 2026, nangunguna pa rin si Bise Presidente Sara Duterte sa anim na kandidato, kung saan panglima si Hontiveros kasunod nina dating bise presidente Leni Robredo, Senador Raffy Tulfo, at Senador Bam Aquino, habang huli naman si Interior Secretary Jonvic Remulla.
Gayunman, kapwa nagpahayag na sina Robredo at Tulfo na wala silang planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028. Target ni Robredo na muling tumakbo bilang alkalde ng Naga City, samantalang re-election naman ang aasikasuhin ni Tulfo.
Ayon kay Trillanes, kung ibabase sa two-way race survey sa pagitan nina Duterte (51%) at Robredo (43%), malaki ang posibilidad na mapunta kay Hontiveros ang mga boto para kay Robredo, na magiging dahilan upang maging seryosong kalaban ang senadora sa 2028.
Una nang inihayag ni Hontiveros na seryoso niyang pinag-iisipan ang pagtakbo bilang pangulo, ngunit handa rin siyang sumuporta sa sinumang kandidatong mapagkakasunduan ng buong pwersa ng oposisyon.
