Naglabas ng seryosong babala si Senadora Risa Hontiveros sa publiko kaugnay ng talamak na pagpapakalat ng mga maling impormasyon at “fake AI content” na naglalayong dungisan ang kaniyang pangalan at ang kaniyang tanggapan.
Sa kaniyang pahayag, nakiusap ang senadora sa mga mamamayan na huwag magpadala sa mga fake news peddlers na tila naka-overtime umano sa paggawa ng mga kasinungalingan.
Dismayado rin ang mambabatas dahil kahit sa panahon ng pagninilay ngayong Semana Santa ay hindi tumigil ang mga grupong ito sa kanilang mga mapanirang aktibidad.
“Kahit ngayong Semana Santa, imbes na gumawa ng tama ay wala silang tigil sa pagpapakalat ng fake news at fake AI content, para abusuhin ang inyong atensyon,” pahayag ni Hontiveros.
Binigyang-diin ng senadora na gumagamit na rin ng teknolohiya ng Artificial Intelligence (AI) ang mga naninira sa kaniya upang magmukhang totoo ang kanilang mga gawa-gawang kuwento.
Hinimok niya ang mga Pilipino na maging mapanuri at huwag hayaang manaig ang panlilinlang ng mga grupong nanamantala sa atensyon ng publiko.
