Pinuri ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro matapos makuha ang garantiya ng bansang Iran para sa ligtas na pagdaan ng mga barkong Pinoy at suplay ng enerhiya sa Strait of Hormuz.
Sa isang pahayag sa social media platform na X, pinasalamatan ni Lacson ang “quiet at efficient” na pakikipag-negosasyon ni Lazaro dahil napakahalaga ng rutang ito na dinadaanan ng halos 80 hanggang 100 porsyento ng oil imports ng Pilipinas.
Ayon sa ulat ng DFA, naging matagumpay ang pag-uusap sa telepono nina Sec. Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi kung saan tiniyak ng Iran ang ligtas, mabilis, at walang hadlang na pagdaan ng mga Philippine-flagged vessels at lahat ng mga marinong Pilipino sa naturang lugar.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ni Lazaro na hilingin sa Iran na ituring ang Pilipinas bilang isang “non-hostile country” upang matiyak ang seguridad sa enerhiya ng bansa sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Sa kabila ng positibong balitang ito, nananatiling mapagmatyag si Lacson sa sitwasyon ng ekonomiya ng mundo at hinikayat ang mga Pilipino na ipagdasal na malampasan ng bansa ang tinawag niyang “Trump-26.”
Binatikos din ng senador ang aniya’y mapang-abusong pagtrato ni US President Donald Trump sa mga kaalyado nito, na nagdudulot ng matinding pressure sa presyo ng fuel at iba pang aspeto ng pandaigdigang merkado na direktang nakaaapekto sa mga Pilipino.
Naniniwala si Lacson na ang matagumpay na negosasyong ito ng DFA ay isang malaking proteksyon para sa bansa habang hinaharap ang mga hamon sa ekonomiya at politika sa ilalim ng bagong liderato sa Amerika.
Ang garantiyang nakuha mula sa Tehran ay itinuturing na isang estratehikong panalo upang hindi mabyuda ang suplay ng petrolyo na kailangan ng bansa para sa operasyon ng transportasyon at industriya.
