Nananatiling isang mailap na pangarap para sa nakararaming Pilipino ang makapagtapos ng kolehiyo.
Sa pinakahuling pagsusuri sa data ng World Bank, hayagang makikita ang pagbaba ng antas ng pagtatapos sa bansa matapos ang naitalang tugatog o high noong 2019, kung saan mas marami pa ring kababaihan ang nakatapos kumpara sa mga kalalakihan.
Ayon kay Dr. Rogelio Alicor Panao, propesor sa UP Department of Political Science at data analyst ng Inquirer, may malinaw na “gender gap” o puwang sa pagitan ng kasarian pagdating sa university completion.
Noong 2022, lumabas na 20.15 porsyento ng mga kababaihang Pilipino (edad 25 pataas) ang nakatapos ng kolehiyo, mas mataas kumpara sa 15.94 porsyento lamang sa panig ng mga kalalakihan.
Ayon kay Dr. Panao, bunga ito ng magkaibang papel na inaasahan ng lipunan sa bawat kasarian. Sa mga mahihirap na pamilya sa lalawigan, ang mga anak na lalaki ang inaasahang maagang magtrabaho para kumita, habang ang mga kababaihan naman ang mas itinataguyod na makatapos ng kolehiyo para sa mas matatag na kinabukasan.
Sa katunayan, base sa March 2026 Labor Force Survey, mas marami pa ring lalaki ang nagtatrabaho o naghahanap ng trabaho (30.31 milyon) kumpara sa babae (21.34 milyon) mula sa kabuuang 51.65 milyong puwersa ng paggawa sa bansa.
Ipinakita sa pagsusuri na magkakaiba ang takbo ng antas ng pagtatapos sa kolehiyo sa Timog-Silangang Asya.
Sa Thailand, katulad ng Pilipinas ay mas nangunguna rin ang mga kababaihan. Samantala, nagpakita naman ng malaking pagkakaiba ang Indonesia; bagaman ito ang pinakamalaking Muslim-majority state, nakapagtala ito ng halos pagkakapantay-pantay (near parity) na nasa 9.67% sa kababaihan at 9.30% sa kalalakihan noong 2022.
Bukod-tangi naman ang Singapore na nakapagtala ng patuloy na pagtaas para sa parehong kasarian, kung saan ang bilang ng mga nakatapos na kababaihan ay umakyat mula 21.6% noong 2010 patungong 34.39%. Kabaligtaran naman nito ang Pilipinas na may pabagu-bagong momentum—matapos umakyat sa 27.01% ang mga kababaihan noong 2019, bumagsak ito sa 20.15% noong 2022, habang nakitaan din ng katulad na pagbaba ang antas sa panig ng mga kalalakihan.
BASAHIN: 87% NG GRADE 11 STUDENTS, HINDI KAYANG MAGBASA NANG MAG-ISA — DEPED
Sa kabila ng 60 taong pagpapalawak ng edukasyon, lalong lumalim ang agwat sa bansa. Ang mga estudyante sa mga siyudad (urban centers) na may access sa mga materyales, scholarship, na may maayos na kapaligiran ang kadalasang nakakatapos.
Sa ulat ng CHED at sa pagsusuri sa mga datos, lumalabas na tanging 46 porsyento lamang ng mga nag-eenroll sa kolehiyo ang aktuwal na nakapagtatapos, at marami pa rito ang huli na kung gumaradweyt. Ang malaking pagbaba ng Tertiary Education Subsidy o TES mula P60,000 tungong P10,000 ay naglimita rin sa pagpili ng kurso at nagtulak sa marami na huminto sa pag-aaral.
Bagaman nakatulong ang libreng kolehiyo sa pagtaas ng enrollment, nagdulot naman ito ng kakulangan sa mga pasilidad at reserba na nagpahina sa kalidad ng edukasyon.
Paigting pa rito ang malaking agwat ng lungsod at probinsya, kung saan ang mga mag-aaral sa kanayunan ay patuloy na nahaharap sa kakulangan sa pondo at mas mababang kalidad ng paaralan.
Binigyang-diin ni Dr. Panao na ang bagsak na trajectory na ito ay dapat magsilbing gising sa Kongreso.
“Dapat nang ilipat ng Kongreso ang pansin sa patuloy na pangako sa patakaran na palawakin ang access at pagtatapos sa kolehiyo, sa halip na ubusin ang lakas ng lehislatibo sa pamumulitika at mga pampolitikang panggugulo,” ani Panao.
Samantala, sa isang diskurso ng mga pakultad sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), binigyang-diin ang pangangailangang balansehin ang academic excellence at pananagutang panlipunan. May pangamba rin na ang labis na pagpokus sa “efficiency” at “workforce readiness” ay nagpapahina sa holistiko at pangkalahatang edukasyon ng mga mag-aaral.
