Matapos ang ilang linggong mga sorpresang pagbawi at kawalan ng kasiguruhan sa draft board, nahanap na sa wakas ng Galeries Tower ang kanilang bagong franchise setter sa katauhan ni Lams Lamina.
Hinugot ng Highrisers ang dating playmaker ng National University (NU) bilang No. 1 overall pick sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft nitong Miyerkules, na nagtapos sa isang dramatikong proseso kung saan tuluyang nabago ang landscape ng top picks bago ang mismong gabi ng draft.
Umatake sa unahan si Lamina bilang top selection matapos mag-withdraw nang sunod-sunod sa draft ang kaniyang dating teammate sa kolehiyo na si Alyssa Solomon—na itinuturing sanang consensus No. 1 prospect—at ang pambato ng University of the Philippines (UP) na si Niña Ytang.
Dahil sa mga pagbawi na ito, namili na lamang ang Galeries Tower sa dalawa sa pinakamagagaling na manlalarong natira sa pool: sina Lamina at ang decorated libero ng University of Santo Tomas (UST) na si Detdet Pepito.
BASAHIN: SOTTO, QMB, AT OFTANA, HINDI MAKAKAPAGLARO SA GILAS
Bunsod nito, si Pepito naman ang makakasama muli ng nakaraang taong No. 1 selection na si Bella Belen—na kaniyang naging kakampi noong elementarya—matapos siyang piliin ng Capital1 bilang second overall pick.
Samantala, mapapasama naman ang Far Eastern University (FEU) playmaker na si Tin Ubaldo kina Deanna Wong at Alina Bicar matapos siyang kunin ng Choco Mucho bilang third overall pick. Gumawa naman ng kasaysayan si Nicole Ong ng Mapua nang hirangin ito bilang highest-drafted NCAA standout sa loob ng tatlong taon matapos sungkitin ng ZUS Coffee bilang fourth overall selection.
Isang hindi inaasahang hakbang naman ang ginawa ng Akari matapos silang mag-pass sa buong Round 1 at hindi gumawa ng kahit anong pick ngayong gabi.
Sa gitna ng naging matinding tapatan sa pagitan ng isang elite setter at isang decorated defensive specialist, pinili ng Highrisers na dalhin sa kanilang kampo ang 24-anyos na pambato sa pag-set ng bola.
Bilang multiple-time Best Setter awardee sa UAAP at Shakey’s Super League, si Lamina ang nagsilbing arkitekto ng modern-day dynasty ng National U, kung saan pinamunuan niya ang opensa na nag-uwi ng maraming kampeonato sa Jhocson.
Ngayon, haharapin naman ni Lamina ang hamon na pamunuan ang Galeries Tower na gutom na makatuntong sa susunod na antas ng kompetisyon sa PVL. (RON TOLENTINO)
