TAHASANG tinawag ni Senate President Alan Peter Cayetano na isang ilegal na “kudeta” at tahasang paglapastangan sa Saligang Batas ang ginawang pagpili ng ilang senador sa isang “acting” Senate President ngayong araw, Hunyo 3, 2026.
Sa isang pabiglaang press briefing, binigyang-diin ni Cayetano na nananatili siyang tanging lehitimong pinuno ng mataas na kapulungan dahil bigo ang kabilang kampo na makuha ang itinakda ng batas na mayorya ng boto.
Ipinunto ni Cayetano na ayon sa Rules 1 at 2 ng Senado na nakabatay sa Konstitusyon, kinakailangan ang hindi bababa sa 13 boto upang maghalal o magpatalsik ng mga opisyal ng kapulungan. Ang paksyon aniyang nagpumilit na magdaos ng sesyon ay binubuo lamang ng 12 senador.
“Paano po nila aalisin si Senator Loren Legarda kung 12 lang po sila? … Pag may 13 po sila, ako pa mag-o-turnover sa kanila. Bibilisan ko po na ibibigay sa kanila. Pero wala po silang 13,” giit ni Cayetano.
Binasa rin ng Senate President ang Rule 4 ng Senado, kung saan nakasaad na maaari lamang magkaroon ng acting Senate President sa ilalim ng apat na kondisyon: pagbibitiw (resignation), pagpapatalsik sa pwesto (removal), kamatayan (death), o lubos na kawalan ng kapasidad (absolute incapacity).
Dahil wala sa mga ito ang nangyari, biniro pa ni Cayetano ang media upang patunayang buhay at buo ang kanyang pag-iisip: “Hindi po AI ang kumakausap sa inyo ngayon… So wala pong ground para magkaroon ng acting president.”
Ayon pa kay Cayetano, ang biglaang pagmamanipula sa liderato ng Senado ay may mas malalim at madilim na dahilan: ang harangan ang nakatakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bukas, Hunyo 4.
BASAHIN: Escudero sa gulo sa Senado: Unahin ang institusyon bago ang sarili
Layunin diumano ng kabilang kampo na pigilan ang pag-imbita at pag-testigo ng 18 miyembro ng Philippine Marines hinggil sa kontrobersiyal na “flood control scam.” Binalaan din niya si Senator Win Gatchalian na nag-preside sa naturang sesyon: “You’re playing around with fire. This is not just about the Senate. This is about the Philippine Constitution.”
Binalaan din ni Cayetano na madre-delay ang takbo ng Impeachment Court dahil sa mga legal na usapin at mandatoryong publikasyon ng mga bagong rules kasunod ng kuwestiyonableng sesyon.
Sa kabila ng tensyon at kaguluhan sa pulitika, tiniyak ni Cayetano na hindi sila matitinag at tuloy na tuloy ang pagdinig ng Blue Ribbon Committee bukas upang lumabas ang katotohanan.
Nanawagan din siya sa mga mamamayan na magsagawa ng isang prayer vigil sa labas ng gusali ng Senado.
“Tuloy ang hearing ng Blue Ribbon Committee. I am still the legitimate, legal, [and] moral Senate President of the Republic of the Philippines… You can try to stop us, but you will be stopping the Filipino people,” pagtatapos nito.
