HINDI katangap-tanggap para kay Senador Francis ‘Chiz’ G. Escudero ang kasalukuyang sitwasyon sa Senado matapos itong dumaan sa matinding polarisasyon dahil sa mga politikal na pagkakahati-hati.
Sa kanyang opisyal na pahayag nitong Hunyo 03, 2026, binigyang-diin ng mambabatas na kritikal na ang lagay ng institusyon.
“The current impasse in the Senate is untenable and unacceptable,” ani Escudero sa kanyang pahayag.
Ayon sa mambabatas, kapag ang politikal na hidwaan ay umabot na sa sukdulan at nagiging hadlang na sa pagtupad ng mandato ng mga senador, oras na para magmuni-muni at unahin ang kapakanan ng institusyon bago ang sarili.
“When political divisions become too extreme and obstruct our mandate, we must all have the courage to pause, gain perspective, reflect, consider and realize that we should put the Senate, as the institution that we serve, above ourselves,” paglilinaw niya sa wikang Ingles.
Nilinaw rin ni Escudero na hindi niya pinapaboran ang alinmang panig o alyansa sa gitna ng nagaganap na tensyon sa pagitan ng mayorya at minoryang bloke sa mataas na kapulungan. Depensa niya, ang kanyang paninindigan ay para sa integridad ng Senado at sa tungkulin nito sa bansa.
BASAHIN: TULFO KAY SP CAYETANO: ‘PUMUNTA KA RITO, KUNG HINDI, DUWAG KA’
“This is not a political contest. I am not taking sides. I am taking a stand for the Senate. My allegiance is not to any faction, personality, group or alliance. This is not about loyalty, betrayal, or choosing one group over the other—this is about duty,” pahayag ng senador.
Ipinaliwanag pa niya sa wikang Filipino na hindi niya hinuhusgahan kung sino ang nagkulang o nagmalabis sa magkabilang kampo.
Gayunpaman, binalaan niya ang kanyang mga kasamahan na ang mismong kakayahan na ng Senado na magsilbi sa mamamayan ang nakataya.
“Hindi ito usaping pampulitika. Wala akong sinasamahan o iniiwanang grupo, pangkat o paksyon. Hindi ko sinasabi na may mali o tama o may nagkulang o nagmalabis kaninuman. Ngunit hindi pwedeng manatili tayo sa ganitong sitwasyon. Ang naaapektuhan na ay ang mismong kakayahan ng Senado na gampanan ang kaniyang tungkulin sa bayan,” dagdag pa niya.
Sa huli, hiningi ni Escudero ang pag-unawa at panalangin ng publiko upang malagpasan ng Senado ang mabigat na hamong ito at patuloy na magampanan ng mga mambabatas ang kanilang obligasyon sa buong sambayanan.
