Nahaharap sa matinding krisis sa frontline ang Gilas Pilipinas para sa darating na FIBA World Cup window ngayong Hulyo at Agosto matapos kumpirmahing hindi makakapaglaro ang mga higanteng sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown (QMB).
Inihayag ni Gilas head coach Tim Cone sa isang panayam nitong Martes ng gabi na opisyal nang out si Millora-Brown matapos sumailalim sa operasyon sa likod doon sa Japan.
Hindi rin makakasama si Sotto dahil tutungo naman ito sa Amerika para lumahok sa NBA Summer League, isang hakbang na buong-pusong sinusuportahan ng pambansang koponan sa kanyang pangarap na makatapak sa NBA.
Dahil sa pagkawala ng dalawang pambato, isang malaking swerte para sa bansa na pumayag muli ang nine-time PBA MVP na si June Mar Fajardo na magsuot ng uniporme ng Gilas.
Ayon kay Cone, orihinal sanang humiling si Fajardo na lumiban muna sa July window dahil nagbabalak din itong magpa-opera, ngunit nang malaman ang sitwasyon nina Sotto at QMB ay malugod nitong tinanggap ang tawag ng tungkulin para sa mga nakatakdang laro ng Pilipinas sa Australia at New Zealand.
BASAHIN: GILAS PILIPINAS, MANANATILING BUO ANG LINEUP LABAN SA AUSTRALIA
Bukod sa problema sa mga sentro, nabawasan pa ang puwersa ng Gilas matapos kumpirmahin ni Calvin Oftana na sasailalim din siya sa operasyon sa kanyang may-impeksyong daliri sa paa.
Agad na gagawin ang operasyon ni Oftana pagkatapos na pagkatapos ng serye ng TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra sa PBA Commissioner’s Cup Finals.
Tumanggi muna si Coach Tim Cone na magbigay ng detalye kung sino-sino ang mga posibleng pumalit sa mga nabakanteng pwesto. Gayunpaman, nangako ang beteranong coach na ilalabas at iaanunsyo ng Gilas management ang pinal na listahan ng 12 manlalaro para sa darating na window sa mga susunod na araw. (RON TOLENTINO)
