ANG MGA TAGAPANAYAM AT MGA KALAHOK
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
KAALINSABAY sa pagdiriwang ng katatapos na Eid Mubarak ay naganap ang pagbubukas ng ASEAN Corner sa Artablado, Robinsons Galleria, Lungsod Quezon, ang “Living Heritage: Cultural Identity Dialogues” nakaraang 29 Mayo 2026 Biyernes ng hapon. Ang ASEAN Lectures ay pinangunahan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA, itinatag 1992) ay nagkaroon ng dalawang session na nagbunga ng isang makabuluhang pag-uusap tungkol sa pamana, pagkakakilanlan, at kultura sa patuloy na nagbabagong mundo. Si Lucette Dela Rosa ang naging moderator na isang batikang events host at IT consultant.
Sa unang session na may paksang “Cultural Identity in the Digital Age: Traditional and Youth Engagement” ay naging tagapanayam sina Ambassador Abdul Malik Melvin Castelino, Embassy of Malaysia in the Philippines; Shariful Hashim S. Mansul, Senior Research Associate, UP-Institute of Islamic Studies; at Hojatolla H. Abedi, Cultural Counselor, Iran Cultural Center.
BASAHIN: PAGBUO NG KORPUS AT GLOSARYO NG WIKANG IRANÚN, ISINAGAWA NG KWF
Sa ikalawang session na may paksang “Cultural Identity in ASEAN: Heritage Tourism and Community Engagement” ay naging tagapanayam sina Victorina Hesty Dewayani, Chard d’Affaires, Embassy of Indonesia in the Philippines; Mouablong Xayvue, Deputy Chief of Mission, Embassy of Lao PDR in the Philippines; at Lafayette Alonto, Development Management Officer II, National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Ang dialogues ay binubuo ng tatlong pangunahing konsepto: Una, Living Heritage (Buhay na Pamana): Mga nakasanayang kultura, wika, ritwal, at kaalaman na patuloy na ginagawa at ipinapasa mula sa mga nakatatanda patungo sa mga susunod na henerasyon, hindi lamang sa mga lumang gusali o artifact; Ikalawa, Cultural Identity (Pagkakakilanlang Kultural): Ang kabuuan ng pagkatao, pananaw, at pinagmulan na hinubog ng pamayanan, wika, kasaysayan, at mga tradisyon; at Ikatlo, Dialogues (Mga Diyalogo): Mga bukas na talakayan, pagpapalitan ng kuro-kuro, ideya, at pagbabahagi ng salaysay upang higit na maunawaan at mapahalagahan ang iba’t ibang kultura. Naging plataporma ang naganap na dialogues upang mapag-usapan kung paano nakakaapekto ang mga nakagisnang tradisyon sa kasalukuyang pamumuhay at pagkatao. Layunin ding mapangalagaan ang kultura habang nakikipag-ugnayan sa modernong panahon.
Mapapanood ang kabuuang talakayan sa pamamagitan ng NCCA Facebook page.
