File Photo
Magkakaroon ng kawalan ng suplay ng tubig at mahinang presyon sa gripo ang ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite ngayong linggo dahil sa nakaiskedyul na maintenance at network improvement activities ng dalawang malaking water concessionaires sa bansa.
Nagpalabas na ng magkahiwalay na advisory ang Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services Inc. upang paalalahanan ang mga apektadong residente na mag-imbak ng sapat na suplay ng tubig bago magsimula ang mga proyekto.
Inihayag ng Manila Water na maaapektuhan ng kawalan ng suplay o mahinang presyon ng tubig ang ilang bahagi ng Quezon City, Pasig, at Maynila dahil sa gagawing line maintenance at pagkakabit ng mga valve. Unang makararanas nito ang mga residente sa UP Professors Subdivision, Tierra Verde 1, at ilang bahagi ng Matandang Balara sa Quezon City mula alas-10:00 ng gabi ng Hunyo 1 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng kasunod na araw.
Mula naman alas-10:00 ng gabi ng Hunyo 2 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Hunyo 3, mawawalan din ng tubig ang bahagi ng Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City, gayundin ang Barangay Culiat sa Quezon City. Kasabay na apektado nito ang ilang komunidad sa Maynila kabilang ang mga bahagi ng Oro-B, L. Garcia, at mga Barangay 770, 773, 774, 775, 778, 779, 784, at 899.
BASAHIN: MAYNILAD, TARGET ANG INTERNATIONAL STANDARD SA WATER LOSS; P30-B CAPEX, INILAAN PARA SA 2026
Susundan naman ito ng pagkawala ng tubig sa Barangay Bungad at Barangay Paltok sa Quezon City mula alas-10:00 ng gabi ng Hunyo 4 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Hunyo 5 dahil sa maintenance sa West Avenue.
Samantala, magsasagawa naman ang Maynilad ng leak exploration o paghahanap ng tagas sa tubo, network maintenance, at iba pang pagsasaayos sa kanilang sistema. Dahil dito, mararanasan gabi-gabi ang mahinang presyon hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig sa ilang bahagi ng Caloocan at Tondo, Maynila mula alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-3:00 ng madaling araw, simula Hunyo 1 hanggang Hunyo 7, bunsod ng aktibidad sa Rizal Avenue. Sa Valenzuela City naman, maaapektuhan ang bahagi ng Barangay Gen. T. de Leon at Barangay Parada mula alas-12:01 ng madaling araw hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Hunyo 1.
Makararanas din ng katulad na perwisyo ang Cavite area mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 4, kung saan mahinang presyon hanggang sa tuluyang pagkawala ng tubig ang sasalubungin ng malaking bahagi ng Imus City dahil sa mataas na demand na nakaaapekto sa operasyon ng Patindig Araw Pumping Station. Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga bahagi ng Anabu, Tanzang Luma, Malagasang, Bukandala, Bayan Luma, Carsadang Bago, Alapan, Medicion, at mga barangay sa Poblacion.
Pinayuhan ng pamunuan ng Manila Water at Maynilad ang kanilang mga kostumer na kapag bumalik na ang suplay ng tubig ay hayaan muna itong umagos ng ilang minuto hanggang sa maging malinaw ito bago gamitin.
