ARESTADO ang isang lalaki matapos tutukan ng baril at pagbantaang papatayin ang kelot na inakusahan niyang naglaglag umano sa kanya sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Ronald”, 30, ng Brgy., Marulas na nahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act.
Sa imbestigasyon ni P/MSg. Alvin Pastores, naglalakad ang biktimang si alyas “Vincent”, 26, sa Batimana Compound, Brgy., Marulas dakong ala-1:45 ng madaling araw nang lapitan at komprontahin ng suspek dahil nilaglag umano siya nito.
Itinanggi naman ito ni alyas Vincent na naging dahilan upang magalit ang suspek bago naglabas ng isang calibre .38 revolver saka tinutukan ang biktima at pinagbantaan papatayin.
Dahil sa takot, tumakbo ang biktima hanggang sa makahingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 3 na nagsasagawa ng ‘Oplan galugad’ sa nasabing lugar na naging dahilan ng pagkakaaresto sa suspek.
Nasamsam nina PCpl John Melo De Paz at PCpl Inglis Balagtas sa suspek ang nasabing baril na kargado ng isang bala at walang kaukulang dokumento.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang arresting team sa kanilang mabilis na pagresponde na nagresulta sa agarang pagkaaresto sa suspek at napigilan ang paghasik nito ng takot sa mga komunidad.
