Mainit at puno ng tensyon ang naganap na pagsuko ni Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan nitong Biyernes ng hapon, Mayo 29, matapos maglabas ng warrant of arrest ang 2nd Division para sa kanyang kasong graft kaugnay sa flood control scam.
Bagama’t bailable o may piyansang P90,000 ang naturang kaso, naging madrama ang tagpo.
Unang nagpahayag si Interior Chief Jonvic Remulla na hindi na huhulihin ng pulisya ang senador dahil nangako itong kusang susuko sa batas.
Imbis na manggaling sa kanyang bahay sa San Juan City, ginulat ni Jinggoy ang mga reporter nang bigla na lang itong lumitaw sa anti-graft court bandang alas-4:09 ng hapon kasama ang kanyang mga anak at mga abogado.
Dahil sa higpit ng seguridad, nagkasakitan at nagkatulakán pa nang bulyawan at pabalang na itulak ng mga security personnel ang mga mamamahayag na nag-aabang para lang bigyang-daan ang senador.
Tikom naman ang bibig ni Jinggoy at deadma sa sunod-sunod na tanong ng media kung ano ang pakiramdam na nahaharap siya sa kasong plunder o pandambong sa pangatlong pagkakataon.
BASAHIN: PLUNDER, GRAFT CHARGES VS ESTRADA, BONOAN ISINAMPA NG OMBUSMAN
Habang pinoproseso ang piyansa, dumaan pa rin sa “booking procedure” ang senador kung saan kinuhanan siya ng fingerprints ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation.
Kinwestiyon naman ito ng kanyang abogadong si Noel Ostrea na nagsabing hindi naman sila nasa presinto at hindi sa pulis kundi sa korte sumusuko ang kanyang kliyente kaya “unnecessary” o hindi na ito kailangan.
Kasabay ni Jinggoy na nagpiyansa rin ng P90,000 ang kanyang kapwa-akusado na si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Pansamantalang nakalaya at nakauwi si Jinggoy bandang alas-6:08 ng gabi, pero hindi pa rito nagtatapos ang kanyang kalbaryo.
Nahaharap ang senador sa tatlong kaso kabilang ang dalawang graft at isang plunder.
Nakalabas siya ngayon dahil ang 2nd Division pa lang ang naglalabas ng warrant. Kapag nag-isyu na ng hiwalay na warrant ang 5th Division para sa kasong plunder, automatic na hihimas-rehas na naman ang senador dahil walang piyansa ang naturang krimen.
Ang matindi rito, ang 5th Division na hahawak sa kanyang plunder ay pinamumunuan na ngayon ni Associate Justice Zaldy Trespeses—ang hukom na humarang at kumontra sa pagpiyansa ni Jinggoy noong taong 2017 sa kaso nitong Pork Barrel.
Kinumpirma naman ni Sandiganbayan Presiding Justice Geraldine Faith Econg na kaya hindi pa naglalabas ng warrant ang 5th Division ay dahil pinag-aaralan pa ng mga hukom ang hirit ng kampo ni Jinggoy na huwag muna silang arestuhin dahil hindi pa raw nila natatanggap ang opisyal na kopya ng resolusyon mula sa Ombudsman.
Sumagot naman si Assistant Ombudsman Mico Clavano na dumaan sa matinding pagsusuri at tamang proseso ang kaso bago ito isinampa sa korte.
