File photo
Gusto mo bang matutong mag-negosyo gamit ang Artificial Intelligence (AI) nang walang binabayarang kahit magkano? Sagot ka na ng TESDA!
Mas maraming Pilipino pa ang magiging ‘tech-savvy’ at handa sa kinabukasan matapos makipagsanib-puwersa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa UNESCO-UNEVOC at HP Foundation.
Sa ilalim ng bagong kasunduang ito, isasama na ang mga tanyag na kurso ng HP LIFE Program sa sikat na TESDA Online Program (TOP).
Layunin nitong bigyan ng matitinding armas ang mga Pinoy sa larangan ng Information and Communications Technology (ICT), pagnenegosyo, at ang nauusong AI para mas mabilis makahanap ng trabaho o kaya’y makapagsimula ng sariling negosyo.
BASAHIN: TESDA NCR, TINIPON ANG PINAKAMAGAGALING NA TECH-VOC TALENTS PARA SA WORLDSKILLS 2026
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, napakahalagang may baong kaalaman ang mga Pinoy sa nagbabagong takbo ng teknolohiya para hindi mapag-iwanan sa tinatawag na digital economy.
“Habang nagbabago ang mga industriya dahil sa teknolohiya at inovation, mahalagang ang mga Pilipino ay may kasanayan para manatiling kompetitibo… Gamit ang e-TESDA, mas mapapalawak natin ang access sa dekalidad na training,” anang kalihim.
Ang HP LIFE ay may mahigit 30 libreng online courses. Bukod sa marketing, pananalapi, at business operations, ituturo na rin dito ang tamang paggamit ng AI sa trabaho at pagnenegosyo.
Pundasyon ito na paboritong hanapin ngayon ng mga kumpanya sa mga aplikante.
Madali lang itong ma-access! Pumunta lang sa e-tesda.gov.ph o gamitin ang Skills Pathways feature sa TESDA Skills Passport mobile app. Kahit saan at anomang oras, pwedeng mag-aral ang mga Pinoy nang libre at swak sa kanilang bakanteng oras.
Ang bonggang programang ito ay suportado rin ng UNESCO Global Skills Academy na may layuning tulungan ang 10 milyong kabataan at matatanda sa buong mundo na magkaroon ng trabaho bago sumapit ang taong 2029.
Direkta rin itong sagot sa pangarap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing digitally-empowered at laging handa sa kinabukasan ang bawat manggagawang Pilipino.
