Ang seremonya ng pagdiriwang
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
PINANGUNAHAN ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP, itinatag 1933) at Pamahalaang Lungsod ng Imus (itinatag 1795, pagiging lungsod 2012) ang pagsisimula ng taunang paggunita ng Araw ng Watawat at Araw ng Kalayaan 2026 sa pamamagitan ng paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Tagumpay sa Alapan.
Ang Gobernador ng Cavite na si Francisco Gabriel Remulla ay nagsilbing Panauhing Pandangal, kasama sina Senador JV Ejercito, Kalihim Juanito Victor Remulla ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal, Tagapangulo ng NHCP Regalado Trota Jose Jr., Alkalde ng Imus Alex L. Advincula, Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Cavite Adrian Jay Advincula, Bise Alkalde ng Lungsod Imus Homer Saquilayan, at mga kawani at empleyado mula sa pambansa at lokal na tanggapan ng pamahalaan noong 28 Mayo 2026 Huwebes ng umaga sa Dambana ng Pambansang Watawat Heritage Park, Miguel Santo, Alapan, Lungsod Imus, Cavite.
Ang kaganapan ay bilang paggunita sa makasaysayang Labanan sa Alapan kung saan ang mga puwersang rebolusyonaryong Pilipino sa ilalim ng pangkalahatang pamumuno ni Hen. Emilio F. Aguinaldo (1869-1964), na bumalik mula sa pagkakatapon noong 18 Mayo 1898, ay tinalo ang isang malaking puwersang Espanyol sa Alapan, Imus, Cavite
Bilang pagdiriwang sa tagumpay, iniladlad ni Aguinaldo at ipinakita sa mga Pilipino sa unang pagkakataon ang bagong Pambansang Watawat na ginawa ni Marcela Mariño de Agoncillo (1859-1946) sa Hong Kong sa Teatro Caviteño sa Lungsod Cavite. Ang bagong watawat ay nagtatampok ng pula at asul na patlang na may puting tatsulok na may nakapatong na araw na may walong sinag at tatlong bituin. Naging Watawat ng Pilipinas at naging batayan ng ating kasalukuyang watawat.
Ang 28 Mayo ay simula ng Pambansang Araw ng Watawat na tatagal hanggang 12 Hunyo kung saan ang publiko ay hinihikayat na ipakita ang watawat bilang pagdiriwang ng kasarinlan ng bansa.
