Pansamantalang ipinatigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpuputol ng mga puno sa kahabaan ng Quirino Avenue patungong Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.
Ang hakbang ay ginawa ng ahensya matapos umani ng matinding pambabatikos at soplakin ng iba’t ibang environmental groups ang nasabing operasyon.
Sa harap ng mga mamamahayag sa Kapihan sa Manila Bay, personal na kinumpirma ni DENR Acting Sec. Mitch Cuna na nakataas ang “red light” o suspensyon sa paggiba sa mga puno.
Ayon kay Cuna, hihimayain muna nilang mabuti kung may mga puno pa bang pwedeng isalba at idaan na lang sa earth-balling o ang ligtas na paglilipat-tanim sa ibang lugar.|
BASAHIN: MPOWER AT CALAMBA MEDICAL CENTER, NAGKASUNDO PARA SA MATATAG AT ABOT-KAYANG SUPLAY NG KURYENTE
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi naman sila basta-basta pumapayag na basta na lang tirahin ang mga puno.
Giit niya, may sinusunod silang proseso at kung talagang hindi maiiwasang may tamaan, huling baraha na ang pag-earthball sa mga ito sa halip na tuluyang patayin.
Nabatid na ang pagpupursiging mapatag ang mga puno sa naturang highway ay para bigyang-daan ang dambuhalang konstruksyon ng Southern Access Link Expressway (SALEX) project.
Bago ang biglaang suspensyon, lumalabas na nasa 200 puno na ang naging “biktima” at tuluyang pinagpuputol. Katiting pa lang ito sa kabuuang mahigit 600 puno na target sanang burahin sa mapa ng Maynila, kabilang na ang ilang dekada nang nakatayong mga matatandang punong Narra na nagsisilbi sanang silong ng mga motorista at residente laban sa matinding init ng panahon.
