Kinuwestyon ni House Deputy Speaker at dating Health Secretary Janette Garin ang umano’y $10 milyong donasyon (katumbas ng humigit-kumulang P620 milyon) ng Department of Health (DOH), sa pamumuno ni Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, para sa secretariat ng regional office ng World Health Organization (WHO).
Sa isang panayam, hayagang ipinahayag ng kinatawan ng Unang Distrito ng Iloilo ang kanyang pagkadismaya dahil sa laki ng pondo na napupunta sa labas ng bansa sa kabila ng matitinding kakulangan sa lokal na sektor ng kalusugan.
“Ang dami nating kailangan. Bakit ba tayo magpapakahirap magdo-donate doon sa mga ibang bansa? Ano naman ang ambag niyan sa kalusugan ng taong bayan?” pahayag ni Garin.
Ayon sa mambabatas, ang naturang halaga ay mas mabuti sanang ipinantustos sa sahod ng mga barangay health workers, pambili ng mga libreng gamot para sa mga mahihirap na pasyente, o kaya’y pampasweldo sa mga karagdagang doktor, nars, at mga public health associates.
BASAHIN: TOLENTINO, SINUSPINDE AGAD ANG REGION 3 DIRECTOR SA GUMUHO NA 9-STOREY BUILDING SA PAMPANGA
Inihambing din ni Garin ang kontribusyon ng Pilipinas sa ibang mas mayayamang bansa tulad ng Singapore, na nag-donate lamang umano ng nasa $100,000.
Bukod sa milyun-milyong pondo, isiniwalat din ng mambabatas na may kasama pa itong donasyong lupa sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig para pagtayuan ng opisina ng WHO, maging ang pondo para sa konstruksyon ng building nito. “Mabuti sana kung ang ipagpapatatag mo ay ospital,” ani Garin.
Nabatid na hiningi na ng Kongreso kay Herbosa na muling suriin ang naturang commitment sa mga nakaraang budget hearing dahil gagamitin lamang umano ang pondo sa mga pagtitipon at operational expenses ng secretariat na walang direktang pakinabang sa mga Pilipino. Gayunpaman, itinuloy pa rin umano ito ng kalihim sa pamamagitan ng apat na tranches na nagkakahalaga ng tig-$2.5 milyon kada taon na nagsimula noong 2024 at magtatapos sa susunod na taon.
Dahil dito, kinumpirma ni Garin na kasalukuyan na niyang inihahanda ang isang pormal na imbestigasyon upang busisiin ang legalidad at rason sa likod ng nasabing donasyon.
Samantala, sinisikap pa ng mga mamamahayag na makuha ang opisyal na pahayag at panig ni Sec. Herbosa hinggil sa mga alegasyong ito.
