Wala akong insertion!”
Ito ang naging matigas na depensa ni Senator Jinggoy Estrada nitong Martes, ilang oras matapos ihayag ng Office of the Ombudsman na kasado na ang pagsasampa ng kasong plunder o pandarambong laban sa kanya.
Umeere ang matinding tension matapos muling mabulgar ang pangalan ng senador na nadidikit umano sa mga anomalya sa flood control projects.
Pero hirit ng mambabatas, walang matibay na ebidensya o rekord na magpapatunay sa mga paratang laban sa kanya.
“Basta ang alam ko…wala akong insertion na katulad ng sinasabi nila, nung binulgar ni Brice Hernandez sa House na meron akong insertion… Wala silang record na ako ay meron insertion na ganong halaga,” gigil na pahayag ni Estrada sa mga reporter.
BASAHIN: LITO LAPID KAY PIA CAYETANO: ‘GUSTO KO PO KASING MALAMAN MO NA MAHAL KITA’
Mariing itinanggi ni Estrada ang mga naging rebelasyon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan District Engineer Brice Hernandez.
Matatandaang idiniin siya ni Hernandez sa Kamara at inakusahang tumanggap ng milyong-milyong kickback mula sa mga pekeng proyekto sa baha.
Handa raw niyang harapin ang hustisya kung ito raw ang kapalit ng kanyang paninindigan.
“If this is the price that I have to face for standing on my own principles on what I believe in, so be it,” dagdag pa ng mambabatas.
Nang uratin naman ng media si Jinggoy kung may halo bang “politika” at “paghihiganti” ang biglaang pagbuhay ng Ombudsman sa kanyang plunder case, umiwas sa kontrobersya ang senador at tumangging magbigay ng direktang sagot.
“Your guess is as good as mine. Magtatrabaho pa din. No comment,” makahulugang sagot ni Estrada.
