Wala na sa loob ng gusali ng Senado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ng hapon, matapos ang magdamag na tensyon at palitan ng putok sa pagitan ng mga awtoridad at security forces ng Senado.
Ayon kay Cayetano, nakalabas si Dela Rosa ng gusali madaling araw nitong Huwebes kasama si Senador Robin Padilla.
Bagama’t maraming sektor ang bumabatikos dito bilang isang “escape,” iginiit ni Cayetano na “free to go” ang senador dahil wala pa umanong lokal na awtoridad na nagpiprisinta ng warrant sa kumpas ng Senado.
Sa isang press conference, binasa rin ni Cayetano ang mensahe mula sa asawa ng senador na si Nancy dela Rosa.
Humihingi ito ng paumanhin sa “havoc” o gulo na naidulot ng sitwasyon.
“He told me that the longer he stays here, the more you get dragged into the situation. We know that the NBI, CIDG, police, and the military won’t raid the Senate if he’s not there,” ayon sa text ni Gng. Dela Rosa.
Nilinaw rin ang sanhi ng putukan kagabi, Mayo 13. Nabatid na ang Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ng Senado ang nagpaputok ng warning shot laban sa mga ahente ng NBI na nasa katabing property ng GSIS. Gumanti naman ng putok ang isang ahente bago lumisan sa lugar.
BASAHIN: 5 senador, pinasusuko si Bato sa ICC
Itinanggi ni Cayetano na “staged” o palabas lamang ang putukan upang bigyang-daan ang pagtakas ni Dela Rosa.
Paliwanag naman ni NBI Chief Melvin Matibag, nandoon ang kanyang mga ahente sa panig ng GSIS dahil sa request ng management nito para sa seguridad.
Mariing kinondena ng Makabayan Bloc ang pagkawala ni Dela Rosa sa Senado.
Ayon kina dating Rep. Antonio Tinio, Renee Co, at Sarah Elago, isa itong “major failure” ng administrasyong Marcos Jr. at ng liderato ng Senado.
“This is a national embarrassment and a clear demonstration of how impunity works in practice when the accused is powerful and well-connected,” pahayag ng grupo.
Matatandaang nahaharap si Dela Rosa sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) bilang “indirect co-perpetrator” sa mga crimes against humanity sa ilalim ng drug war ng administrasyong Duterte.
Sa kabila ng kaniyang pag-alis, wala pang malinaw na impormasyon kung nasaan na ang senador sa kasalukuyan.
