Photo courtesy of Marikina PIO
Pinarangalan ng Civil Service Commission (CSC) ang pamahalaang lungsod ng Marikina dahil sa ipinamalas nitong kahusayan sa pangangasiwa ng kanilang mga kawani sa ilalim ng national program na PRIME-HRM.
Tinanggap ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang Certificate of Recognition mula kay CSC Director Dick Echavez sa ginanap na flag-raising ceremony ngayong Lunes, Mayo 11.
Ang lungsod ay pormal nang kinilala sa pagkakamit ng Maturity Level 2 sa apat na pangunahing system ng Human Resource Management na kinabibilangan ng Recruitment, Selection, and Placement (RSP), Performance Management (PM), Learning and Development (L&D), at Rewards and Recognition (R&R).
Kasama ng alkalde sa pagtanggap ng parangal sina City Administrator Dr. Mark Castro at ang Human Resource Management Department sa pangunguna ni Dr. Eliza Cerveza.
Ayon kay Mayor Maan, ang pagkilalang ito ay patunay ng dedikasyon ng lungsod sa propesyonalismo at pagbibigay ng serbisyong pampubliko na ang sentro ay ang mga mamamayan ng Marikina.
“Ang pag-aalaga sa aming mga kawani ay pagbibigay halaga sa lahat ng mga taga-Marikina. By hiring competent and diligent people in the city hall… we empower them to strive for excellence in service to the people,” pahayag ng alkalde.
Layunin ng PRIME-HRM na palakasin ang mga ahensya ng gobyerno sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaunlad ng kanilang human resource systems.
Pinasalamatan din ni Mayor Maan ang HR Department ng lungsod sa kanilang pagsisikap na makasunod sa mga pamantayan ng CSC at sa paglilinang ng mga best practices.
Dagdag pa ng alkalde, nais nilang ipagpatuloy ang pagbuo ng isang “culture of care” o kultura ng pagmamalasakit na nararamdaman hindi lamang sa loob ng city hall kundi maging ng lahat ng mga residente sa labas nito.
