TIMBOG ang isang lalaki nang inguso sa pulisya na may dalang baril habang pagala-gala sa Caloocan City.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Section 28 ng R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) ang 36-anyos na suspek na si alyas “Dodong”, residente Barangay Tugatog, Malabon City.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, nakatanggap sila ng report sa pamamagitan ng 911 emergency hotline hinggil sa isang indibidwal na pagala-gala sa Barangay 136, Caloocan City at armado umano ng baril.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Police Sub-Station 5 hanggang sa maispatan nila ang isang lalaki na tumutugma sa inilarawan ng caller at may nakasukbit na baril sa baywang.
Gayunman, nang mapansin ng suspek ang kanilang presensya ay kumaripas ito ng takbo para tumakas kaya hinabol siya ng mga pulis hanggang sa makorner at maaresto.
Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .45 na baril na kargado ng apat na bala at nang hingan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing armas ay wala itong naipakita.
