Matapos ang mahigit isang dekada ng legal na pakikipagtunggali, ganap nang pinawalang-sala ng korte si Delfin Lee at ang Globe Asiatique (GA) mula sa mga kasong kriminal na may kaugnayan sa Xevera housing projects sa Pampanga.
Sa desisyong inilabas ni Acting Presiding Judge Joel Bantasan ng RTC Branch 42, inaprubahan ang demurrer to evidence ng kampo ni Lee dahil sa kabiguan ng prosekusyon na magpakita ng sapat na ebidensya para sa estafa.
Ang naturang hukom ang ika-16 na naatasan sa kaso matapos ang sunud-sunod na inhibisyon ng 15 naunang mga judge na nagpatagal sa resolusyon ng usapin sa loob ng maraming taon.
Kaakibat ng pagkapanalo sa kasong kriminal, binigyang-diin din ang tagumpay ng Globe Asiatique sa isang civil case sa Makati Regional Trial Court kung saan iniutos sa Pag-Ibig Fund (HDMF) na tuparin ang mga obligasyon nito gaya ng pagtanggap sa mga replacement buyers at pag-release ng mga titulo ng mga bahay na bayad na.
Lumabas sa mga dokumento ng korte na protektado ang pondo ng pamahalaan dahil sa isang automatic offsetting mechanism kung saan may hawak na Php 630 milyong escrow fund ang Pag-Ibig mula sa GA bilang buyback guarantee kung sakaling may mag-default na loan.
Ayon kay Lee, dahil kinansela na ng Pag-Ibig ang kanilang collection servicing agreement, wala nang legal na basehan ang ahensya para hawakan pa ang nasabing malaking halaga.
Sa kabila ng pagkakaaresto noong 2014 at pagkakakulong ng mahigit apat na taon bago ang pagbaba ng kaso sa simple estafa noong 2018, nananatili ang hangarin ni Lee na linisin ang kanyang nasirang reputasyon.
Iginiit niya na ang tanging balakid na lamang sa kanyang muling pagpasok sa industriya ng real estate ay ang hindi pa naibabalik na pondo mula sa Pag-Ibig.
Sa oras na makuha ang kanilang pera, handa umano si Lee na muling tumulong sa programa ng gobyerno para sa pagpapatayo ng mga abot-kayang pabahay para sa mga ordinaryong Pilipino.
