Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsanib-puwersa ang Philippine Army (PA) at ang Japan Ground Self-Defense Force (JGSDF) para sa isang combined live-fire exercise bilang bahagi ng Exercise Salaknib 2026.
Isinagawa ang naturang drills sa lahar fields ng Colonel Ernesto Rabina Air Base (CERAB) sa Santa Juliana, Capas, Tarlac nitong Mayo 1 hanggang Mayo 2, 2026.
Pinangunahan ng Armor “Pambato” Division ng Philippine Army ang pagsasanay kung saan mahigit 200 tropa mula sa 1st Tank Battalion ang sumabak gamit ang apat na Sabrah Light Tanks.
Sa panig naman ng Japan, nasa 40 tropa mula sa Recon Combat Battalion, 12th Brigade ang lumahok dala ang apat nilang Maneuver Combat Vehicles. Sumailalim ang dalawang panig sa Subject Matter Expert Exchange noong Mayo 1 bago ang aktwal na Live Fire Exercise nitong Mayo 2.
Nakatuon ang pagsasanay sa isang tactical scenario kung saan kailangang hanapin ang lokasyon ng kalaban; i-fix ang posisyon ng target; at tuluyang wasakin ang pwersa ng kaaway.
Maliban sa opensiba, nag-ensayo rin ang mga sundalo sa mga safety protocol at troubleshooting sa mga armas upang matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na operasyon sakaling magkaroon ng aberya sa gitna ng labanan.
Personal na sinaksihan nina Maj. Gen. Efren F. Morados (Vice Commander, PA), Brig. Gen. Ronel R. Manalo (Armor Division Commander), at mga opisyal mula sa Japan, US Army Pacific, at Presidential Commission on Visiting Forces (PCVF) ang nasabing drills.
Ang Salaknib 2026 ay bahagi ng aktibong transisyon ng Philippine Army patungo sa External Security Operations.
Nakatakda ang Salaknib Phase 2 mula Mayo hanggang Hunyo 2026, matapos ang pormal na pagtatapos ng Exercise Balikatan sa darating na Mayo 8.
