Isang insidente ng pagtagas ng kemikal na ammonia mula sa isang planta ng yelo ang naging sanhi ng pagkaka-ospital ng 13 residente sa Barangay 168, Deparo, Miyerkules ng madaling araw.
Base sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kabilang sa mga dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) ang isang 5-anyos na batang lalaki, isang senior citizen, at dalawang babae matapos makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa masangsang na amoy mula sa Cristal Ice Plant.
Dahil sa panganib na dulot ng kemikal, tinatayang 90 indibiduwal ang pansamantalang inilikas sa dalawang evacuation center, habang agad namang isinara ang daloy ng trapiko sa paligid ng 191 Deparo St. upang maiwasan ang lalong pagkalat ng epekto nito.
Ayon sa Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-7:40 na ng umaga nang matukoy at maisara ang tumatagas na barbula (valve). Kaagad ding nagsagawa ng clearing operations ang mga bumbero sa pamamagitan ng pagpapatuyo ng mga tubo at paglalagay ng mga exhaust fan upang tuluyang pawiin ang masamang amoy sa paligid.
Nagpaalala naman si Caloocan City Mayor Along Malapitan sa mga apektadong residente na manatiling alerto.
“Manatili muna sa loob ng bahay, magsuot ng face mask kung kailangang lumabas, at agad magtungo sa pinakamalapit na health center kung makararanas ng anumang hirap sa paghinga,” pahayag ng alkalde.
Samantala, humingi na ng paumanhin ang may-ari ng planta at tiniyak na handa silang sagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot at magbigay ng tulong sa mga biktima.
Kasalukuyan na ring nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng planta sa City Health Office at BFP para sa gagawing malalimang imbestigasyon upang matiyak na hindi na muling mauulit ang naturang aksidente.
