Nasakote ng Philippine National Police (PNP) ang 15 indibidwal habang 36 na financial accounts ang naharang sa serye ng magkakaisang anti-cybercrime operations sa buong bansa mula noong Abril 1 hanggang 15.
Sa inilabas na ulat nitong weekend, kinumpirma ng PNP na ang mga naarestong suspek ay sangkot sa ilegal na “online sale” ng mga financial accounts, kabilang ang mga automated teller machine (ATM) cards at e-wallet accounts na ginagamit sa mga fraudulent transactions.
Ang malawakang operasyon ay isinagawa nang sabay-sabay ng mga Regional Anti-Cybercrime Units, kasama ang mga Provincial, City, at District Cyber Response Teams sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act, na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang “Enhanced Managing Police Operations” ay bahagi ng mas pinalakas na tugon ng kapulisan laban sa mga cyber-enabled financial crimes upang protektahan ang publiko mula sa mga online scam.
“Patuloy na nagbabago ang cybercrime at nananatiling seryosong banta sa tiwala ng publiko sa ating mga digital financial systems,” aniya.
Samantala, inanunsyo rin ni Nartatez ang pag-angat sa tungkulin ni Brig. Gen. Wilson Asueta, ang direktor ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), na ngayon ay isa nang Major General. Si Asueta, na isa ring abogado, ay kabilang sa 17 opisyal na binigyan ng promosyon dahil sa kanilang “exceptional performance.”
Si Asueta ay miyembro ng PNPA Patnubay Class of 1995 at dati ring nanungkulan bilang pinuno ng Eastern Police District (EPD) at Albay Provincial Police Office.
