Isang madugong wakas ang sinapit ng isang mag-asawa matapos silang matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanilang tahanan sa Brgy. Wawa, Tanay, Rizal kahapon, April 26, 2026.
Kinilala ang babaeng biktima na si alyas Je, 37-anyos, habang ang suspek na si alyas Jerry na kanya mismong asawa, 45-anyos, na natagpuan ding patay sa pinangyarihan ng krimen na nakab*gti.
Ayon sa ulat ng Tanay Municipal Police Station, natuklasan ang mga bangkay nang bumisita ang ina ng lalaki dakong alas-9:00 ng umaga sa kanilang bahay. Agad siyang humingi ng saklolo sa mga kapitbahay bago ini-report ang insidente sa pulisya.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na hiwalay na ang dalawa at nagtungo lamang ang babae sa bahay ng asawa upang humingi ng sustento para sa kanilang anim na anak.
Gayunman, nauwi ito sa marahas na pagtatalo dahil sa selos.
Isang menor de edad na saksi ang nakarinig sa komosyon sa loob ng bahay habang nagpapakain ng manok na malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Ayon sa bata, narinig niyang nagmamakaawa ang babae at nagsasabing, “Tama na, tama na,” habang ang lalaki naman ay sumisigaw ng, “Niloloko mo ako!”
Sinundan umano ito ng isang malakas na kalabog bago tuluyang tumahimik ang paligid.
Narekober ng mga awtoridad sa tabi ng babaeng biktima ang isang palakol na may habang 24 pulgada ang haba, na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa ginang na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo.
Tumanggi na ang pamilya ng magkabilang panig na isailalim sa autopsy ang mga labi ng mag-asawa.
