Upang matulungan ang mga local government units na iangat ang kalidad at patatagin ang paghahatid ng edukasyon sa kanilang mga nasasakupan, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang palawakin ang saklaw ng paggamit sa Special Education Fund (SEF).
Binigyang diin ni Gatchalian ang kanyang mungkahi matapos ianunsyo ng Department of Education na patatatagin ang paggamit ng SEF para sa karagdagang classrooms, dekalidad na mga kagamitan sa pagtuturo, at mas malakas na suporta para sa mga guro at mag-aaral.
Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53) na inihain ni Gatchalian, maaaring gamitin ang SEF para sa sahod ng mga guro, non-teaching personnel, at child development teachers at workers.
Isinusulong din ni Gatchalian ang paggamit ng SEF para sa pagbili ng mga aklat, iba pang learning materials, at information and communication technology packages; pagpapatupad ng mga extension o remedial classes; pagbibigay ng honoraria at allowances sa mga guro at non-teaching personnel para sa mga serbisyong iginawad sa labas ng oras ng pasok, at iba pa.
“Kung mapapalawak natin ang paggamit ng SEF, matutulungan natin ang mga LGUs na iangat ang kalidad ng edukasyon sa kanilang mga lugar,” ani Gatchalian.
Nakasaad din sa panukalang batas na magiging mandato sa mga Local School Boards ang pagpapatupad ng mga polisiya, reporma, at mga programang nakatutok sa kalidad ng edukasyon. Susukatin ang tagumpay ng mga repormang ito sa pamamagitan ng mga National Achievement Test (NAT) scores, student participation rates, dropout rates, at iba pa.
