Humakbang na patungo sa sweep ang Los Angeles Lakers matapos itakas ang kapana-panabik na 112-108 overtime victory laban sa Houston Rockets sa Game 3 ng kanilang Western Conference first-round playoff series nitong Biyernes (Sabado sa Maynila). Dahil sa panalong ito, hawak na ng Lakers ang komportableng 3-0 bentahe sa serye.
Bumida para sa Lakers si LeBron James na nagtala ng double-double na 29 points at 13 rebounds, kabilang ang krusyal na three-pointer sa huling 13.6 segundo ng fourth quarter na siyang nagpuwersa ng overtime.
Hindi rin nagpaawat si Marcus Smart na nag-ambag ng 21 points at 10 assists, kung saan walong puntos ang kanyang binitawan sa extra period upang selyuhan ang panalo ng Los Angeles.
Nag-step up ang Lakers sa kabila ng pagkawala nina Luka Doncic at Austin Reaves dahil sa injury.
“Kailangan naming maglaro nang may desperasyon dahil dalawa sa aming best players ang wala,” pahayag ni Smart sa wikang Ingles.
“Maganda ang chemistry ng team at nakikita ninyong tumataas ang kumpyansa ng bawat isa.”
Sa panig ng Rockets, muling hindi nakalaro ang kanilang leading scorer na si Kevin Durant dahil sa ankle sprain. Sa kabila nito, pinangunahan ni Alperen Sengun ang Houston na may dambuhalang 33 points at 16 rebounds. Muntik nang masungkit ng Rockets ang panalo sa regulation matapos ang sunod-sunod na puntos ni Sengun para sa 101-95 lead sa huling 40 segundo, ngunit naging matatag ang depensa at opensa nina Smart at James sa dulo.
Aminado naman si Rockets coach Ime Udoka sa naging pagkukulang ng kanyang bataan. “Malinaw na kahinaan namin ang pagtapos ng laro. Ang dami naming pagkakamali at hindi ito dapat nangyayari sa ganitong level ng kompetisyon,” aniya.
Magtatangka ang Lakers na tuluyang tapusin ang serye sa Game 4 na gaganapin sa Linggo (oras sa Houston) upang pormal nang pumasok sa susunod na round ng playoffs. (RON TOLENTINO)
