Mariing binatikos ng mga mambabatas ang legal team ni Vice President Sara Duterte matapos lumabas sa imbestigasyon na inilagay ng Pangalawang Pangulo ang kanyang mga bank accounts sa ilalim ng kategoryang “others” sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon kay Bicol Saro Rep. Terry Ridon, ang paliwanag na ito ay isang mahinang pagtatangka upang pagtakpan ang mga iregularidad sa pananalapi ng Bise Presidente, lalo’t ang cash in bank ay isang pangunahing asset na dapat ay malinaw na idinedeklara para sa transparency.
Binigyang-diin ni Ridon na ang hindi tumpak na paglalatag ng SALN ay maaaring ituring na betrayal of public trust, na isang mabigat na impeachable offense.
Lumabas sa pagdinig ng House committee on justice na nagdeklara si Duterte ng “zero cash on hand” at “zero cash in bank” mula 2019 hanggang 2024, sa kabila ng pag-akyat ng kanyang net worth mula P71.06 milyon noong 2022 patungong P88.51 milyon nitong 2024.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, base sa rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), lumalabas na isang “billionaire” ang Pangalawang Pangulo dahil sa mahigit 600 flagged transactions na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon sa mga bank accounts nila ng kanyang asawang si Manases Carpio mula 2005 hanggang 2026.
Sa nasabing halaga, P4.42 bilyon ang pumasok sa kanilang accounts habang P1.55 bilyon naman ang inilabas.
Para sa veteran trial lawyer na si Lorna Kapunan, na nagsisilbing private prosecutor, sapat na ang mga dokumentaryong ebidensya mula sa AMLC at opisyal na rekord ng gobyerno upang mabuo ang threshold ng probable cause para sa impeachment.
Iginiit ni Kapunan na ang mga numero ay hindi nagsisinungaling at ang malaking agwat sa pagitan ng idineklarang yaman sa SALN at ng bilyun-bilyong pisong dumadaloy sa mga bank accounts ay hindi na lamang opinyon kundi matibay na ebidensya.
Dagdag pa niya, ang pagtatago ng mahahalagang impormasyon sa ilalim ng malabong kategorya ay isang malinaw na pagtatangka ng concealment.
Sa kabila ng mga seryosong alegasyon, patuloy na tumatanggi si Duterte na dumalo sa mga pagdinig ng komite upang ipaliwanag ang kanyang panig.
Nanawagan naman si Rep. Chua na harapin ng Bise Presidente ang mga tanong ng bayan kung saan nanggaling ang nasabing yaman at kung paano ito naipon, lalo’t ang mga rekord ng AMLC ay itinuturing na undisputed facts.
Sa ngayon, nakatutok ang komite sa pagbusisi sa mga tax returns ng mag-asawang Duterte-Carpio upang mas lalong makita ang tunay na estado ng kanilang finacial standing.
