Pormal nang hiniling ng Office of the Ombudsman sa anti-graft court Sandiganbayan ang paglalabas ng precautionary hold departure order o PHDO laban kay Senador Francis Joseph “Chiz” Escudero kaugnay ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa multibillion flood control corruption.
Kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang hirit na PHDO ay bunsod ng mga reklamong plunder, graft, at bribery na kinakaharap ng senador.
Layunin ng nasabing legal na hakbang na pigilan ang pag-alis ng bansa ni Escudero habang nasa antas pa lamang ng reklamo ang isinasagawang pagsisiyasat ng mga prosekutor.
Base sa ulat, isinampa ng Ombudsman ang hiling nitong Biyernes, Abril 24, at nakatakda na ang raffle sa Sandiganbayan ngayong Sabado, Abril 25.
Hindi lamang ang senador ang target ng naturang hirit dahil kabilang din sa mga pinapatawan ng PHDO ang negosyanteng si Maynard Ngu, na kilalang kaibigan at campaign donor ni Escudero.
Nadawit ang pangalan ng senador sa kontrobersya matapos lumabas sa imbestigasyon na ang presidente ng Centerways Construction and Development Inc. na si Lawrence R. Lubiano ang kanyang naging top donor noong 2022 elections, kung saan nag-ambag ito ng aabot sa P30 milyon base sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures.
Lalong nabaon sa kontrobersya ang mambabatas matapaos siyang ituro ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na umano’y tumanggap ng P160 milyong kickback mula sa mga proyekto. Ayon sa testimonya ni Bernardo, siya mismo ang personal na naghatid ng nasabing halaga kay Ngu na nagsilbing kinatawan ng senador.
Dahil sa bigat ng mga alegasyon at laki ng pondong sangkot, minabuti ng Ombudsman na hilingin ang PHDO upang matiyak na mananatili sa hurisdiksyon ng Pilipinas ang mga nasasakdal habang pilit na binubuksan ang katotohanan sa likod ng maanomalyang flood control projects sa bansa.
