Ibinahagi ni Maj. Mike Baisa ng US Army ang kanyang kaalaman bilang Subject Matter Expert (SME) sa ginanap na Hybrid Training on Medical Logistics sa Headquarters Philippine Army, Fort Bonifacio, Taguig City noong Abril 24, 2026. Ang nasabing pagsasanay ay naglalayong mas mapalakas ang kakayahan ng ating mga kasundaluhan sa pamamahala ng mga kagamitang medikal. (Photos by: Ms. Roda Vida Dizon, CivHR/OCPA)
Sumailalim sa isang masinsinang pagsasanay ang mga medical officers at personnel ng Philippine Army (PA) sa ikalawang batch ng Hybrid Training on Medical Logistics noong Abril 24, 2026, sa Headquarters Philippine Army, Fort Bonifacio, Taguig City.
Ang nasabing aktibidad ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Walter Reed Army Institute of Research – Armed Forces Research Institute of Medical Sciences (WRAIR-PEPFAR).
Isinagawa ang pagsasanay sa pamamagitan ng online at onsite platforms kung saan ang mga eksperto at instruktor mula sa US Army ay nagbahagi ng mahahalagang kasanayan sa mga medical core members at logistics personnel ng bansa.
Nakatuon ang training sa pagpapahusay ng supply management, operational readiness, inventory control, at sustainment practices sa loob ng military health systems upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga medikal na pangangailangan.
Binigyang-diin ng Philippine Army na ang ganitong mga inisyatiba ay bahagi ng layunin ng organisasyon na sangkapan ang kanilang mga tauhan ng sapat na kakayahan sa pamamahala ng mga kritikal na resources.
Ang pagpapaigting sa aspeto ng logistics at supply chain ay nakikita bilang isang estratehikong hakbang upang mapalakas ang kahandaan ng hukbo hindi lamang sa panahon ng digmaan, kundi higit lalo sa panahon ng kapayapaan at mga humanitarian missions.
