Kinumpirma ng Office of the Ombudsman nitong Sabado, Abril 25, na ipinag-utos ng Court of Appeals ang pag-freeze sa mga ari-arian ni dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.
Sa isang panayam, direktang sinagot ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ng “oo” ang kumpirmasyon kung si Romualdez nga ang mambabatas na tinukoy sa ulat ng Anti-Money Laundering Council na isinailalim sa freeze order ang mga accounts at property.
Nag-ugat ang desisyong ito ng appellate court matapos makakita ng probable cause na nag-uugnay sa mga nasabing asset sa mga reklamong plunder, graft, money laundering, pati na ang direct at indirect bribery.
Ayon sa ulat ng AMLC, sakop ng kautusan ang 25 bank accounts at 10 insurance policies na nakapangalan mismo kay Romualdez, habang damay din ang 27 bank accounts at iba pang investment accounts ng isang hindi pinangalanang business associate at isang korporasyong sangkot sa flood control mess.
Binigyang-diin ng AMLC na ang freeze order ay isang provisional remedy upang mapangalagaan ang mga ari-ariang may hinalang nagmula sa ilegal na aktibidad bago pa man ihain ang pormal na forfeiture case sa korte.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 12 petisyon para sa civil forfeiture ang inihain ng konseho sa mga Regional Trial Court dahil sa umano’y P56 bilyon na kickback scheme kung saan itinuturing na mastermind ang dating Speaker sa likod ng mga ghost flood control projects.
Bukod sa pagkaka-freeze ng kanyang mga yaman, nauna nang naglabas ang Sandiganbayan 7th Division ng precautionary hold departure order laban kay Romualdez noong Abril 22 upang matiyak na hindi ito makakalabas ng bansa habang gumugulong ang imbestigasyon.
Kinumpirma ni Remulla na nananatili pa rin sa Pilipinas ang dating mambabatas base sa huling monitoring, sa kabila ng kinakaharap nitong sunod-sunod na legal na dagok na naglalayong bawiin ang mga nakaw na yaman para sa kaban ng bayan.
