Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Social Security System (SSS) na magpatupad ng moratorium sa mga bayad sa loan, katulad ng hakbang na ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS), upang matulungan ang middle class na makayanan ang epekto ng mataas na presyo ng langis bunsod ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Bagama’t nagkaloob na ang Pag-IBIG Fund ng tatlong buwang moratorium sa housing loan, na walang interes o multa, para sa mga nagbabalik na OFW na apektado ng kaguluhan, iminumungkahi ni Gatchalian na palawakin ang relief na ito sa lahat ng miyembro ng Pag-IBIG.
“Kailangan din nating tulungan ang middle-class, na nakakaramdam din ng hirap ngayon. Gusto nating gawin ito dahil isang reyalidad ang pagbaba ng kakayahang bumili o purchasing power,” ani Gatchalian, na siyang chairman ng Senate PROTECT Committee.
Binigyang-diin niya na ang pag-akyat ng inflation sa 4.1% noong Marso ay tinatayang nagpababa sa buwanang purchasing power ng P1,138 hanggang P2,275 para sa humigit-kumulang 9.158 milyong lower middle-income households, at P2,274 hanggang P3,982 para sa nasa 3.416 milyong middle middle-income households, ayon sa datos ng Senate Economic Planning Office.
Binanggit din ng senador ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nagpapakita sa pagiging bulnerable ng mga pamilyang kabilang sa emerging middle-class sa mga pansamantalang dagok gaya ng health emergency, pagkawala ng trabaho, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. (Mina Paderna)
