Pormal nang binuksan nina Mayor Maan Teodoro at Rep. Marcy Teodoro ang pinakabagong Marikina Heritage Building ngayong Abril 16, 2026. Ang proyektong ito ay isa sa mga highlight ng ika-396 na Marikina Day na naglalayong ipreserba ang pagkakakilanlan ng bawat pamilyang Marikenyo. (MARIKINA LGU PHOTOS)
Binuksan na sa publiko nitong Huwebes, Abril 16, ang bagong Marikina Heritage Building sa Barangay San Roque, isang hakbang na naglalayong ipakita ang mas malalim na kasaysayan ng lungsod bukod sa pagiging “Shoe Capital” nito.
Ang nasabing gusali ay matatagpuan sa tabi lamang ng sikat na Marikina Shoe Museum at nagsilbing sentro ng mga aktibidad ngayong araw, kabilang ang isang job fair at pet vaccination program ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, ang tatlong palapag na gusali ay magsisilbing Marikina Museum na maglalaman ng kuwento ng mga pamilya at pamumuhay ng mga Marikenyo sa nakalipas na 396 taon.
“Ito po ang pinangarap natin dahil kahit tayo ay 396 years old, wala pa po tayong Marikina Museum. We only have the Shoe Museum… pero hindi naman tayo basta sapatos lang. Tayo po ay isang lungsod, may mga pamilya, mga kanya-kanyang pamumuhay,” pahayag ng Alkalde.
Sa kasalukuyan, tampok sa museo ang eksibit ng hindi bababa sa 50 pamilya o angkan sa Marikina. Makikita rito ang pinagmulan ng bawat pamilya at ang kanilang naging ambag sa pag-unlad ng lungsod. Ang unang bahagi ng eksibit ay tatagal ng tatlong buwan bago palitan ng iba pang mga koleksyon.
Binigyang-diin naman ni Marikina First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro na ang pag-unlad ng lungsod ay dapat laging nakaangkla sa pagpapahalaga sa nakaraan.
Aniya, hindi lamang ang mga pisikal na istruktura ang pinangangalagaan ng lokal na pamahalaan kundi ang mismong kultura at pagkakakilanlan ng mga mamamayan.
Inaanyayahan ng pamahalaang lungsod hindi lamang ang mga residente kundi pati na rin ang mga taga-ibang lugar na bisitahin ang Heritage Building upang masumpungan ang yaman ng kultura ng Marikina na higit pa sa industriya ng sapatos.
