KULUNGAN ang kinasadlakan ng apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos maaresto sa magkakahiwalay na operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, alas-11:45 ng gabi nang maaresto at makuhanan ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ng mga tauhan ng Police Sub-Station 8, si alyas “Roy”, 42, sa Que Grande St., Brgy., Ugong.
Dakong alas-8:15 ng gabi nang maaktuhan naman ng mga tauhan ng SS6 ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng ‘cara y cruz’ sa Bypass Road, Brgy., Lingunan at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng umano’y shabu na nakuha kay alyas”Franco”, 38.
Natimbog naman ng mga tauhan ng SS9 ang dalawang lalaki habang naglalaro umano ng ‘cara y cruz’ sa Padrigal Ext., Brgy., Karuhatan dakong alas-11:00 ng umaga. Nakumpiska sa kanila ang perang taya, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasamsam umano kay alyas “Froilan”, 48.
Habang naaktuhan rin ng mga tauhan ng SS3 ang dalawang kelot na nagka-cara y cruz umano sa Antonette Townhomes, Brgy., Marulas alas-7:15 ng gabi at nasamsam sa kanila ang bet money, pangara at isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Ralp”, 29.
Nahaharap ang apat na nahulihan ng droga sa kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) habang paglabag naman sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling) ang kakaharapin ng tatlong nahuli sa ilegal na sugal. (JUVY LUCERO)
