Nalansag ng mga awtoridad ang isang operasyon ng ilegal na sugal matapos maaresto ang siyam (9) na indibidwal sa isinagawang raid sa Brgy. Bagong Nayon, kahapon, April 9, 2026.
Ang operasyon ay pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), sa pakikipagtulungan ng Antipolo PNP, sa ilalim ng direktiba ni Rizal Provincial Director PCOL Eleazar R. Barber Jr.
Sinalakay ng mga operatiba ang isang lokasyon sa kahabaan ng Marilaque Highway na itinuturong “central collection point” ng ilegal na sugal.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang pagkilos ng pulisya matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa nagaganap na koleksyon ng taya para sa “jueteng.”
Matapos ang surveillance at validation, agad na ikinasa ang raid na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na kinabibilangan ng rebisador, kabo at bet collectors.
Nakuha mula sa mga suspek ang iba’t ibang kagamitan sa pagsusugal kabilang ang P5,315 na cash (bet money); mga cellular phones at calculators; notebooks, tally sheets (lastillas), at iba pang betting materials.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, na inamyendahan ng Republic Act 9287 (Anti-Illegal Gambling Law).
“Ang ating pinaigting na operasyon laban sa ilegal na sugal ay isang malinaw na mensahe—walang lugar para sa mga ilegal na aktibidad sa Rizal. Patuloy kaming kikilos nang mabilisan upang protektahan ang kapakanan ng ating komunidad,” pahayag ni PCOL Barber.
Muling nakiusap ang Rizal Police Provincial Office sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga barangay.
