Nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggunita ng Biyernes Santo ngayong araw, Abril 3, sa pamamagitan ng isang mensahe na humihimok sa mga Pilipino na mamuhay nang may mas malalim na pananampalataya at pagmamalasakit sa kapwa.
Sa kanyang inilabas na pahayag, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagninilay at pasasalamat sa gitna ng pag-alala sa pasyon at pagkamatay ni Hesukristo.
Ayon kay Marcos, ang Krus ay nagsisilbing simbolo ng pag-ibig na hindi tumalikod sa pagdurusa kundi niyakap ito para sa sangkatauhan.
Kasalukuyang nasa kanyang balwarte sa Ilocos Norte ang Pangulo para sa paggunita ng Mahal na Kuwaresma.
Sa kabila ng holiday, tiniyak ng Malacañang na patuloy ang pagtutok ng Chief Executive sa sitwasyon ng bansa, partikular na sa usapin ng enerhiya.
Inaasahang mamomonitor ng Pangulo ang takbo ng presyo ng langis habang nasa probinsya, lalo’t nahaharap ang Pilipinas sa matinding “oil price shocks” bunsod ng lumalalang tensyon sa pagitan ng pwersang US-Israel at Iran sa Gitnang Silangan na pumasok na sa ikalawang buwan.
Sa gitna ng taimtim na paggunita, nananatiling prayoridad ng administrasyon ang pagtugon sa epekto ng krisis sa ekonomiya at suplay ng kuryente sa bansa.
