Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes, Marso 27, na may sapat na supply ng krudo ang Pilipinas na tatagal hanggang sa katapusan ng Hunyo. Ang pahayag ay ginawa sa gitna ng pangamba sa pandaigdigang krisis sa langis dulot ng lumalalang gulo sa Middle East.
Sa pagbubukas ng NAIA Expressway-westbound off-ramp project, ibinahagi ng Pangulo ang kanyang pakikipag-usap kay Ramon Ang ng Petron Corporation. Ayon kay Marcos, mas makatitipid ang bansa sa pag-import ng crude oil para dito i-refine kaysa sa direktang pagbili ng tapos nang diesel.
“Ika niya ay mayroon na tayong supply of crude oil, sufficient supply hanggang June 30,” ani Marcos.
Bagama’t may katiyakan hanggang Hunyo, hindi maikakaila ang bigat ng sitwasyon ayon sa mga eksperto at opisyal.
Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) ang pagdating ng 22.5 milyong litro ng diesel.
Gayunpaman, base sa konsumo ng bansa na umaabot sa 201,926 barrels kada araw, ang nasabing kargamento ay tatagal lamang ng mas mababa sa isang araw.
Sa pagdinig sa Senado, inamin ng Petron at iba pang kumpanya na “napakachallenging” na kumuha ng supply dahil sa mga export ban ng ibang bansa.
Ayon kay Petron GM Lubin Nepomuceno, asahan ang “astronomical” na presyo ng pag-angkat dahil sa taas ng freight at insurance costs.
Ayon sa mga kinatawan ng industriya, hindi pa sigurado ang supply ng bansa pagkalipas ng Abril o sa loob ng susunod na 30 araw.
Binigyang-diin ni Marcos na lahat ng hakbang ay pinag-aaralan upang maibsan ang epekto ng giyera sa mga Pilipino, lalo na sa mga komyuter at mga sektor na direktang apektado.
Nakatutok ang administrasyon sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga tinatamaan ng krisis.
Sinuspinde na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang wholesale electricity spot market sa lahat ng grids upang maiwasan ang biglaang pagsipa ng presyo ng kuryente. Inaasahang maglalabas ng pinal na pricing system sa Abril 1.
Aminado ang Pangulo na ang pag-amyenda sa batas na ito ay mangangailangan ng mahabang diskusyon at hindi pa matukoy kung kailan ito maisasakatuparan.
