Pormal nang kinalampag ang Korte Suprema nitong Biyernes, Marso 27, upang maglabas ng Temporary Restraining Order o writ of preliminary injunction para patigilin ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa Mababang Kapulungan.
Sa petisyong isinampa ng law firm ni Atty. Israelito Torreon, iginiit nito na bagama’t may kapangyarihan ang House Committee on Justice na mag-initiate ng impeachment, kailangang sumunod ang mga ito sa itinakdang limitasyon ng Konstitusyon at tamang proseso.
Inakusahan ng petitioner ang komite ng grave abuse of discretion dahil sa pagpapatuloy ng mga reklamo na ayon sa kanila ay “constitutionally and procedurally defective” at dapat sana ay ibinasura na sa paunang yugto o threshold stage pa lamang.
Binatikos din ng kampo ni Duterte ang ginawang hakbang ng komite noong Marso 25, kung saan tila lumihis na umano ang mga mambabatas mula sa pag-evaluate ng sapat na basehan patungo sa pagbuo ng sariling kaso na wala naman sa orihinal na pleadings.
Binigyang-diin sa petisyon na nagsasagawa na ang komite ng isang “fishing expedition” matapos maglabas ng mga subpoena para sa mga SALN, dokumento mula sa NBI at COA, at maging ang mga records ng mga korporasyong hindi man lang nabanggit sa reklamo.
Kasalukuyang nahaharap ang Bise Presidente sa mga akusasyon ng betrayal of public trust, bribery, graft and corruption, at umano’y maling paggamit ng ₱612 milyong confidential funds.
Naniniwala ang mga petitioner na depektibo ang mga reklamong ito dahil nakabase lamang sa hearsay at mga hindi awtentikadong materyales, bukod pa sa kinuwestiyon nilang “structural bias” ng ilang miyembro ng komite na hayagan nang pumanig laban sa Pangalawang Pangulo.
