Muling sumadsad ang halaga ng piso kontra dolyar ngayong Biyernes, Marso 27, at nagsara sa panibagong record-low na P60.55:$1.
Ito na ang ikalawang pagkakataon sa loob lamang ng isang linggo na nakapagtala ang lokal na pera ng pinakamahina nitong performance sa kasaysayan, matapos lagpasan ang dating record na P60.30 noong nakaraang Lunes.
Nawalan ng 15.2 centavos ang piso mula sa pagsasara nito noong Huwebes na nasa P60.23.
Ayon sa mga ekonomista, ang patuloy na paghina ng piso ay bunsod ng mataas na demand sa dolyar dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Amerika, Israel, at Iran.
Paliwanag ni Jonathan Ravelas ng Reyes Tacandong & Co., sinisimulan na ng merkado na kalkulahin ang mga panganib na may kaugnayan sa supply ng langis, na nagpapataas sa pangangailangan para sa dolyar na siyang ginagamit sa pagbili ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Bagama’t may mga usapan tungkol sa tigil-putukan, nananatiling mailap ang kasunduan dahil sa magkakasalungat na kondisyon sa pagitan ng US at Iran, na nagdudulot ng pag-aalinlangan sa mga investor.
Dahil sa mga kaganapang ito, itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang inaasahang inflation rate para sa taong ito patungong 5.1%, na mas mataas sa orihinal na target na 2% hanggang 4%.
Sa kabila nito, sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na hindi pa nangangailangan ng malawakang interbensyon sa foreign exchange market dahil hindi naman umano masama ang paghina ng piso para sa sektor ng exports at sa current account deficit ng bansa.
Gayunpaman, nananatiling mapagmatyag ang BSP sa mga posibleng biglaang paggalaw ng palitan na maaaring makaapekto sa ekonomiya.
Samantala, hindi rin nakaligtas ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) na bumagsak ng 11.37 puntos o 0.19% at nagsara sa 5,972.83.
Ayon kay Luis Limlingan ng Regina Capital Development Corp., naging matumal ang bentahan ng stocks dahil mas pinili ng mga mamumuhunan na mag-abang muna ng malinaw na balita sa sitwasyon sa Middle East.
Sa kabuuan ng araw, mahigit 2.4 bilyong shares na nagkakahalaga ng P8.9 bilyon ang nagpalit-kamay sa gitna ng matinding pag-iingat ng mga negosyante.
