Inanunsyo ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso nitong Biyernes, Marso 27, na sasagutin ng pamahalaang lungsod ang kita ng mga jeepney driver upang makapagbigay ng libreng sakay sa mga commuter sa Maynila. Ang hakbang na ito ay bahagi ng pagpapatupad ng Executive Order No. 14, series of 2026.
Sa kaniyang “Talk to the People” address matapos ang pagpupulong sa mga pangulo ng 22 Jeepney Operators and Drivers Associations (JODA), ipinaliwanag ng alkalde na layunin ng programa na magbigay ng subsidiya sa transport sector sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa ilalim ng kaayusang ito, titiyakin ng lokal na pamahalaan na may garantisadong kita ang mga driver at operator habang libre namang makakasakay ang mga pasahero.
Ayon kay Domagoso, makatatanggap ang mga jeepney driver ng humigit-kumulang P3,000 bawat araw depende sa uri ng kanilang unit.
Binigyang-diin niya na sa pamamagitan nito, hindi na mamomroblema ang mga driver sa maliit na take-home pay na minsan ay bumabagsak na lamang sa P200 hanggang P500 dahil sa mahal ng krudo.
Aniya, “hihiramin” ng lungsod ang mga jeep at driver upang matiyak na may kita ang operator, driver, at maging ang mga gasolinahan, habang ang mga mananakay naman ay makakatipid.
Tinatayang mahigit 1,400 na jeepney ang lalahok sa programa na babagtas sa iba’t ibang ruta sa Maynila at mga karatig-lugar. Inaasahang aabot sa 100,000 pasahero ang makikinabang sa libreng sakay araw-araw.
Inamin ng alkalde na ang inisyatibong ito ay nabuo sa loob lamang ng 48 oras bilang mabilis na tugon sa krisis sa langis, at nagsisilbing “pantawid” o pansamantalang ginhawa habang limitado pa ang tulong mula sa pambansang pamahalaan.
Ang libreng sakay ay unang tatakbo sa loob ng limang araw sa loob ng dalawang linggo—Lunes at Martes sa unang linggo, at Lunes hanggang Miyerkules sa susunod na linggo.
Dagdag pa ng alkalde, posibleng mapalawig pa ang programa depende sa magiging kaukulang pondo ng lungsod.
