Isang malawakang pandaraya sa pagbili ng learning materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon ang napatunayan, matapos ang isinagawang imbestigasyon ng COA- Special Audit Team sa Ministry of Basic , Higher, and Technical Education o MBHTE.
Base sa imbestigasyon, malawakan at pinagtulung-tulungang dayain ng mga opisyal sa ilalim ng pamumuno ni Education Minister Mohagher Iqbal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM ang ipinalabas na batas para makabili ng mga learning materials na nagkakahalaga ng P2.2 bilyon.
Nag-ugat ang imbestigasyon matapos na ipag-utos ni COA Chairman Gamaliel Cordova sa special team na magsagawa ng special fraud audit makaraang kumalat ang balita na malawakan ang pandaraya ng grupo ni Iqbal na lumustay sa halagang P2,221,488,155.57 mula sa kaban ng BARMM para ipangbili ng learning materials.
Matapos ang imbestigasyon at mapatunayang totoo ang mga alegasyon, dalawang kaso ang isinampa laban sa mga opisyal ng MBHTE.
Ang unang kaso na isasampa laban sa grupo ni Iqbal ay ang paglabas ng pondo ng BARRM na nagkakahalaga ng P1,772,251,519.17 bilyon para ipangbayad sa mga grade school textbooks noong 2025.
Habang ang P449,236,636.20 naman ay ibinayad sa FEJA Non-Specialized Wholesale Trading, bilang kabayaran sa Learner’s and Teacher’s Kits na base sa imbestigasyon ng COA ay hindi dumaan sa standard reviews at labag sa procurement laws at auditing procedures.
Ang fraud audit hinggil sa alegasyon ng massive corruption ay isinagawa matapos ang masaklap na performance ng sektor ng edukasyon sa BARMM batay sa pinakahuling report ng Educational Commission (EDCOM) 2.
Base sa fraud investigation, may 73 disbursement vouchers (DVs) para sa procurements ng learning materials na umaabot sa P2,247,023,709.80 ang nabayaran batay lamang sa certifications na ginawa ng mga opisyal at kawani ng MBHTE sa kabila ng kakulangan ng procurement documents sa ilalim ng Republic Act No. 9184, or the Government Procurement Reform Act.
Ang mga naturang transaksyon ay certified umano ng chief ng finance division kayat nabayaran ng buo ang supplier na may basbas na din ng Minister or Deputy Minister.
“Due to the certifications made, the transactions were paid despite non-submission of the standard supporting documents, to the disadvantage of the government,” nakasaad sa SAT report.
“Failure to submit comments within the prescribed period shall constrain the SAT to finalize its findings based on the available records,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa SAT Report, may material defects din sa awarding ng 53 contracts na may halagang P1,952,923,307.40 dahil umano’y nagkulang ang Bids and Awards Committee na patunayan ang Joint Ventures bilang bidders.
Dahil dito, napunta at nakolekta ang contract ng isa lamang sa mga miyembro ng JV. Tungkol naman sa 41 projects para sa procurement ng Colored Quality Content and Updated Learning Resources for Basic Education sa iba’t ibang antas ng grade school na may halagang P1,478,258,182.35, itinuloy ng MBHTE ang kontrata kahit kulang ang requirements ng bidder na maglagak ng Performance Security (PS) bago ito pirmahan.
Hindi din nagpatupad ng penalty o liquidated damages sa contractor na umabot sa P16,068,000 and MBHTE para sa 520-day delay sa pagdeliver ng small armchairs na nagkakahalaga ng P30,900,000 para sa grade schools. (A. CABILING)
