Isang 26-anyos na seaman ang nahaharap ngayon sa mga kasong Theft at Carnapping matapos umanong tangayin ang motorsiklo at cellphone ng kanyang dating kinakasama sa Barangay San Roque noong nakaraang buwan.
Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), kinilala ang biktimang si alyas Roschelle, 30-anyos, isang IT professional na residente ng Dasmariñas, Cavite.
Ang suspek naman ay kinilalang si alyas Jos, residente ng Albay Street sa nabanggit ding barangay, na kasalukuyan pang pinaghahanap ng mga awtoridad (at-large).
Nangyari ang insidente noong Pebrero 18, 2026, bandang ala-una ng hapon sa dati nilang inuupahang bahay sa Vista Verde Grande, Leonards Place.
Ayon sa imbestigasyon, isang araw bago ang insidente, naghakot na ng mga gamit ang suspek mula sa kanilang dating tirahan.
Kinabukasan, nang dumating ang biktima upang kunin ang natitira niyang mga gamit, laking gulat nito nang mapansing wala na ang kanyang 2022 model na Honda motorcycle (Plate No. 455QES) at ang kanyang Samsung Galaxy A04e.
Bagama’t noong Pebrero pa nangyari ang krimen, pormal lamang itong naiulat sa himpilan ng pulisya nitong Marso 18, 2026.
Isang saksi na kinilalang si alyas Mich, 48-anyos, ang nagpatibay sa mga pahayag ng biktima.
Kasalukuyan nang inihahanda ng Cainta MPS ang mga kailangang dokumento para sa pagsasampa ng kaso laban kay alyas Jos sa pamamagitan ng regular filing sa Provincial Prosecutor’s Office sa Taytay, Rizal. Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa sinumang may impormasyon sa kinaroroonan ng suspek upang agad itong maibalik sa riles ng batas.
