Mas lalo pang mapagkakatiwalaan ang suplay ng kuryente sa ilang bahagi ng Caloocan City at San Jose del Monte, Bulacan matapos i-upgrade ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang Camarin Substation.
Sa ilalim ng pamumuno ni Manuel V. Pangilinan, nag-install ang higante sa distribusyon ng kuryente ng mga makabagong kagamitan kabilang ang isang bagong 83-megavolt amperes (MVA) power transformer bank, 34.5 kilovolt (kV) Gas Insulated Switchgear (GIS) at apat na 115 kV power circuit breakers at walong 115 kV Disconnect Switches.
Ang hakbang na ito ay tugon ng Meralco sa lumalaking demand sa kuryente sa North Caloocan at ilang bahagi ng San Jose del Monte.
Inaasahang direktang makikinabang dito ang mga malalaking establisyimento at kritikal na pasilidad tulad ng Maynilad Water Services – La Mesa Water, SM Deparo at SM San Jose Del Monte, Regan Industrial Sales Inc. at Converge J3 Caloocan DC.
Ayon sa Meralco, ang proyektong ito ay bahagi ng kanilang patuloy na pamumuhunan upang i-upgrade ang distribution system ng kuryente at matiyak ang mataas na kalidad ng serbisyo para sa kanilang mga customer.
